
Kapatiran o kapatayan?
NASA elementarya ako nang makita ko ang aking kuya na sumailalim sa hazing ng isang fraternity. Aksidente ko lang nakita nang sumilip ako sa hagdanan habang sila ay nasa salas kasama ng kanyang mga kaklase sa high school.
Nakita kong sinasampal siya ng dalawang lalaki tapos hinataw ng paddle sa binti at puwet tapos sinunog ng sigarilyo ang isang parte ng kanyang pulso.
Hindi naman matinding bugbog ang kanyang inabot pero matapos ang senaryong iyon, iika-ika na siya at halos hindi makalakad dahil kulay talong at abokadong lamog ang kanyang mga binti.
Hindi ko pa nga alam kung ano iyon at para saan iyon. Kalaunan ko na lang nalaman na fraternity o kapatiran pala iyon.
Ang una kong tanong sa sarili ko noong nagkakamalay na ako, bakit kailangang saktan ang iyong “kapatid” kung talagang kapatiran ngang matatawag iyon? Hindi ko mahanapan ng lohika na ang isang bagong miyembro ay pagtutulungan gulpihin ng mga datihan hanggang sa halos hindi na makagulapa. Na kalaunan ay puwede palang mamatay!
Hindi ba’t mga bilanggong kriminal lang ang nakikita natin sa pelikula na gumagawa ng ganoon? Iyong tinatakalan ang mga kakosa.
Itong panibagong hazing victims na parehong namatay ay bumalik na naman sa ating lahat ang kamalayan ng panganib ng mismong mga kamag-aral ng ating mga anak. Habang abala ka nagtatrabaho, ang anak mong nasa paaralan ay inisip mong ligtas at nasa maayos na lugar.
Wala kang kamalay-malay na pinagtutulungan na palang hatawin ng paddle at kinukulata ng kung anu-ano ang anak mong halos ayaw mong padapuan sa lamok noong sanggol pa lang.
Maitatanong mo rin kung bakit may mga taong nakapaloob sa brotherhood ang kayang gawin ang ganoon klase ng pananakit sa isa nilang kapatid na walang kalaban-laban. Sa isang banda, chicken and egg na naman ito, kung hindi ka sasali sa frat, hindi mo yun sasapitin!
Pero hindi ito para sisihin ang sinumang biktima, ito ay bahagi ng ating pagpapaalala sa mga kabataan na hindi nyo kailangang sumapi sa anumang kapatiran na kalauan ay inyo palang kapatayan. Anong klaseng mentalidad ba ang kayang abutin ng mga estudyanteng hindi man lang makita kung anong level na ng pananakit ang kanilang ginagawa sa kanilang kapatid na tinatawag! Halimaw lang ang natutuwa kapag may nasasaktan!
Marami nang patunay na makakatapos ka ng pag-aaral nang walang fraternity na aaniban. Ako naman, hanggang matapos ako sa kolehiyo, hindi naman ako sumama sa anumang mararahas na grupo o fraternity man na tinatawag. Maayos ang buhay ko ngayon, maayos naman ang aking career na walang frat na sinasandalan.
Noong nagbibinata na ang anak kong dalawa na parehong lalaki, kabado rin siyempre ako noong una, lalo na noong nasa kolehiyo na sila.
Stage father ako sa mga unang dalawang taon nila sa college. Sa awa naman ng Panginoon, naka-graduate ang isa sa Letran at ang isa sa Ateneo, wala naman sa kanila ang napabilang sa fraternity.
Ito iyong patunay na kaya nating mag-survive lahat sa mundo nang hindi kailangang sumailalim sa hazing o magpasakop sa mga killer fraternity.