Kiko

Kapatid Prince of Primetime Kiko Estrada, bibida sa ‘Totoy Bato’

April 11, 2025 People's Tonight 160 views

Hindi pa man natatapos ang matagumpay na TV5 primetime series niyang “Lumuhod Ka sa Lupa,” inanunsyo na sa isang story conference sa TV5 Media Center ang follow-up project ni Kiko Estrada – ang pagganap sa iconic titular character na si Totoy Bato.

Ang istorya nito ay hango sa klasik na pelikula ni Da King Fernando Poe Jr., na gawa ng legendary comics creator at film producer na si Carlo J. Caparas.

Matinding aksyon at bakbakan ang aasahan ng mga manonood dahil ang karakter ni Kiko ang magsisilbing tagapagligtas ng Pook Paraiso gamit ang kanyang kamao.

Bilang “Totoy Bato,” makikipagmatigasan si Kiko laban sa mala-pader na makapangyarihang mga pamilya. Bigatin ang mga makakasama ni Kiko — mga batikan at ilan sa magagaling na aktor sa bansa.

Kabilang sa mga bubuo ng “Totoy Bato” sina Bea Binene, Cindy Miranda at Diego Loyzaga, kasama sina Nonie Buencamino, Mon Confiado, Art Acuña, Mark Anthony Fernandez at ang beteranang aktres na si Eula Valdez.

May espesyal na partisipasyon naman sina Joko Diaz, Katya Santos, Kean Cipriano at Jackie Lou Blanco. Makakasama rin ni Kiko sina Andrew Muhlach, Billy Villeta, Ivan Padilla, Lester Llansang, Benz Sangalang, Gold Aceron at ang anak ng creator ng “Totoy Bato” na si CJ Caparas.

Ipakikilala naman sina Lawrence dela Cruz, Benedict Lao, Natania Guerrero, Jeremiah Cruz, Dwayne Bialoglovski at Stanley Abuloc.

Sa direksyon ni Albert Langitan, kasama sina Zyro Radoc at Ambo Gonzales, ang “Totoy Bato” ay produced ng MavenPro at Sari Sari Network Inc., sa produksyon ng Studio Viva at malapit nang matunghayan sa TodoMax Primetime Singko ng TV5.

AUTHOR PROFILE