
Kampo ni Sarah Discaya, mariing itinanggi anumang paglabag sa batas kaugnay ng isyu sa British passport
NILINAW ng legal counsel ni Pasig City mayoral candidate Sarah Discaya na wala siyang nilabag na batas kaugnay ng kanyang British passport, at walang batayan ang anumang kasong diskwalipikasyon laban sa kanya.
Ayon kay Atty. Edward Gialogo, abogado ni Discaya, ang kanyang kliyente ay isang dual citizen mula pagkasilang, dahil ipinanganak siya sa London sa mga magulang na Pilipinong manggagawa sa ibang bansa.
“Walang anumang paglabag o pagkakamali sa panig ni Gng. Sarah Discaya na maaaring gamiting batayan para siya ay madiskwalipika,” pahayag ni Gialogo sa isang press statement na inilabas noong Miyerkules, Abril 16, 2025.
“Bilang isang dual citizen mula pagkasilang, awtomatikong nakuha niya ang pagiging British citizen dahil sa kanyang kapanganakan sa London, habang nananatiling isang Pilipino. Ayon sa batas ng Pilipinas, hindi na niya kailangan ng anumang legal na hakbang para makalahok sa darating na halalan sa Mayo 12, 2025,” dagdag pa niya.
Binanggit din ni Gialogo ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong Gana-Carait vs. COMELEC, na nagpapatunay na ang mga dual citizens mula pagkasilang ay hindi ipinagbabawal na tumakbo sa posisyon sa pamahalaan.