
Kampo ni Rhen pinag-iisipan ang pagsasampa ng kasong cyber libel laban sa KimPau fans
BELOW the belt na. ‘Yan ang hinaing ng talent manager ni Rhen Escaño na si Aster Amoyo kaugnay ng bashing at panghuhusgang tinatanggap ng alaga niya mula umano sa fans ng KimPau (Kim Chiu at Paulo Avelino).
Matatandaan na nag-trending ang KimPau at si Rhen sa X (dating Twitter) dahil sa sinasabing sikretong relasyon ng Viva talent sa aktor.
Mariin namang itinanggi ng talent manager at People’s Journal showbiz columnist ang sinasabing relasyon ni Paulo at ng alaga niya.
Ani Tita Aster, sobra na silang nasasaktan, lalo na si Rhen, ‘di lamang sa masasakit na salitang ipinupukol dito, kundi maging sa kinakalkal at pinagpipiyestahang video clips ng lumang pelikula nitong “Adan.”
“Si Rhen kasi parang anak ko na ’yan, eh. Parang ‘pag anak mo nasasaktan ng ganu’n, mas matindi ang tama sa nanay, ‘di ba? Ako ‘yung nanay-nanayan nu’n, eh. Pero ang nakakalungkot lang, bakit siya iba-bash samantalang wala naman siyang kinalaman kay Paulo Avelino at all?
“Wala silang… hindi sila close. I don’t know if there’s even an occasion na nagkasama sila. Basta siya na lang ‘yung pinagdiskitahan na siya raw ‘yung secret girlfriend ni Paulo. Na hindi naman!” himutok ni Tita Aster.
“I don’t even remember if there’s an occasion na meron silang pinagsamahan… pero wala talaga, wala talaga. Below the belt na, pati ‘yung mga clips ng pelikula niyang sa ‘Adan,’ ikinakalat pa nila na parang hindi na, bastusan na, eh, bastusan na! Sabi ko nga, sana alamin muna nila ‘yung totoo bago sila maging judgmental sa tao. Kasi ‘yung bata apektado, umiiyak na si Rhen dahil hindi na ito maganda.
“Sabi ko nga hindi nga ako ang tunay na nanay, nasasaktan ako, how much more… ? So, sana maging ano lang sila, maging fair maging objective and know the facts,” patuloy ng talent manager/showbiz columnist.
Sa totoo lang daw, hindi nila maintindihan kung paano nagsimula ang tsismis kina Rhen at Paulo. Maging ang motibo na gustong iparating ng haters ni Rhen, malaking palaisipan sa kampo ng Viva artist.
“I don’t even know if they are friends ni Paulo. Si Rhen is a very private person. Kung may boyfriend at kung sino ang boyfriend niya, hindi ko rin pinakikialaman, ‘di ba? Kasi ‘wag natin anuhin, kaso lang, siyempre kahit papa’no nasasaktan kasi hindi totoo, hindi totoo talaga. So, pakiusap ko na lang po sa KimPau, ‘wag naman pong ganu’n. Maging fair naman kayo sa bata lalo pa’t wala naman talaga siyang kinalaman,” pahayag pa ni Tita Aster.
Wish ng kampo ni Rhen, magsalita si Paulo para linisin ang pangalan ng aktres.
Nang tanungin kung may plano ba silang magsampa ng cyber libel case sa mga naninira kay Rhen, idiniin ni Tita Aster na “pinag-iisipan namin, pinag-iisipan namin. Pero for now, wala pa naman.”
Aniya pa, “Pero sana lang pakiusap ko lang sa inyo, sana ‘wag namang ganu’n. Pakiusap ko lang maging fair kayo, alamin n’yo muna kung ano ‘yung totoo. Nasasaktan ako for my alaga. Kasi hindi talaga maganda. Oo, nasasaktan, sobra nang nasasaktan si Rhen. Ginagawa lang niya ‘yung trabaho niya. And she’s a very good actress, ‘di ba? Binibigay niya ang kanyang all para ma-justify niya whatever role na binibigay sa kanya. Tapos sisirain lang siya ng ganu’n? ‘Wag naman.”