
Kampanya vs red tape pinalakas ng PNP
ISINUSULONG ng Philippine National Police (PNP) na pinamumunuan ni General Rommel Francisco D. Marbil ang kampanya laban sa red tape upang gawing mas mabilis, mas maayos at mas epektibo ang police service sa buong bansa.
Nagsagawa ng 2-day Comprehensive Orientation on the Provisions and Implementation of Republic Act No. 11032 o Ease of Doing Business and Efficient Government Service Delivery Act of 2018 ang PNP noong Miyerkules at Huwebes sa PNP Training Service at pinangunahan ng Center for Police Strategy Management.
Patuloy ang PNP sa pagsusulong ng mga reporma upang mapabilis ang proseso, mapalakas ang tiwala ng publiko at masigurong mabilis na naibibigay ang serbisyong nararapat para sa mamamayan.
Sa kanyang mensahe na binasa ni PNP Deputy Chief for Operations, Lieutenant General Robert Rodriguez, binigyang diin ni Gen. Marbil ang kahalagahan ng RA 11032 sa pagbabago ng mga ahensyang pampubliko upang maging mas epektibo, may pananagutan at nakasentro sa kapakanan ng mamamayan.
“Ang pangunahing layunin ng Ease of Doing Business Law, na itinataguyod ng ARTA, tiyakin na ang serbisyo publiko mabilis, malinaw at walang hadlang ng red tape,” ayon sa PNP chief.
Binigyang-diin din Ernesto Perez, Director General ng Anti-Red Tape Authority, ang mas malawak na epekto ng batas sa pamahalaan.
“Sa pamamagitan ng pagsasabuhay ng mga prinsipyo ng RA 11032 sa inyong pang-araw-araw na operasyon, hindi lang kayo tumutupad sa batas kundi pinapalakas din ninyo ang tiwala ng publiko sa ating mga ahensyang nagpapatupad ng batas.
Kapag ang serbisyo naibibigay nang mabilis, malinaw at may integridad, mas nararamdaman ng mamamayan ang halaga at proteksyon mula sa gobyerno,” aniya.
Pinsalamatan ni CPSM director B/Gen. Jose Manalad Jr. ang ARTA sa patuloy nitong suporta sa pagpapabuti ng serbisyo publiko sa PNP.
Tinampok sa orientation ang mga lectures na naglalayong bigyan ng malalim na pag-unawa ang PNP personnel sa RA 11032 at ang aktwal na aplikasyon nito sa mga serbisyo ng pulisya.
Ilan sa mga tinalakay ay ang pagtatatag at tungkulin ng PNP Committee on Anti-Red Tape (PNP-CART), mga mekanismo ng client satisfaction at maayos na dokumentasyon at implementasyon ng Citizen’s Charter.
Isinagawa rin ang workshop upang bigyang-daan ang mga kalahok na palaganapin ang kanilang natutunan sa pamamagitan ng collaborative process reengineering exercises.
Nanatiling matatag ang PNP sa pagsusulong ng transparency, accountability, at efficiency sa serbisyo publiko, ayon sa liderato nito.