Default Thumbnail

Kamote riders din ang ibang Angkas

November 24, 2023 Allan L. Encarnacion 266 views

Allan EncarnacionMAHIGPIT nating kinokondena ang insidente ng pagbangga ng SUV sa Angkas rider na may pasahero sa Mandaluyong. Naaresto na ang responsable rito bagama’t iniimbestigahan pa ang naging ugat ng “pambabalya” ng SUV driver sa rider ng Angkas sa Edsa.

Walang anumang dahilan ang mabibigyan natin ng kawtiran ang pananakit sa kanino man kaya puwede nating sabihing dapat managot dito ang SUV driver.

Pero sa isang banda naman, dapat ding tingnan ng kaibigan natin si George Royeca na Chief Executive ng Angkas, kung bakit nangyayari ang ganitong insidente sa kanyang rider.

Sa totoo lang, natutuwa naman tayo sa sinasabi ni George na ang mga Angkas rider ay kanilang sinasanay bago palabasin sa kalsada o bago magkaroon ng karapatang makapagsakay ng pasahero.

Kaya lang, mukhang hindi rin alam ni George ang ugali ng ibang Angkas na rider na barumbado at walang modo sa kanilang pamamasada.

Sa madalas na pagkakataon, nasisita ko ang mga Angkas at Joyride riders na mga hindi alam kung ano ang ginagawa sa kalsada. Palagi kong iniiwanan ang pedestrian lanes para maging bukas sa mga tumatawid, lalo na sa mga intersection or mga traffic lights area.

Pag nag-stop kaming mga 4-wheel para makatawid ang mga pedestrians, iyong mga Angkas, Joy ride, mga Grab, Panda at kung anu-ano pang delivery riders ang humihinto sa mismong pedestrian lanes. Marami silang gumagawa nito, kasama na ang mga private riders pero hindi nawawala sa mga usual suspects ang Angkas!

Kung talagang natuturuan ang mga Angkas bago palabasin tulad ng sinasabi ni George, hindi sana tayo makakakita ng tambak-tambak na Angkas riders na mga nakapatong sa pedesntrian lanes sa tuwing nasa intersection.

Kailangang aminin din ni George na hindi pumapasok sa kukute ng mga riders ang itinuturo nilang disiplina kung saang mang training centers ang sinasabi niya.

Hindi lamang iyong pagharang sa mga tawiran, marami ding Angkas ang bastos sa kalye at mahilig sumingit sa mga alanganing lugar.

Maganda sana talaga kung magiging permanente ang mga motorcycle taxi bilang alternatibong sasakyan ng ating mga kababayan kaya lang, mas dumami ang sakit ng ulo natin sa kalsada magmula nang lumaganap sila.

Kasi nga, napapakawalan ng Angkas company ang mga kamote riders na walang alam kung hindi ang kumita kahit sa paraang walang disiplina sa kalsada.

Magkakaroon lamang ng solusyon ang problema ng mga walang modong Angkas kung totohanang pagbabawalan ni George na makalabas ang mga salbahe, bastos at mga walang modong riders.

[email protected]