
Kamara, Senado nag-uugnayan
Sa mga panukalang bibigyan ng prayoridad sa nalalabing bahagi ng 19th Congress
NAGSIMULA ng mag-ugnayan ang Kamara de Representantes at Senado para tukuyin ang mga mahahalagang panukala na maaari pang ihabol sa ikatlo at huling regular session ng 19th Congress, ayon kay Speaker Ferdinand Martin G. Romualdez.
Ayon kay Speaker Romualdez nakausap na nito ang bagong upong Senate President na si Sen. Francis Escudero noong Lunes sa Malacañang ng lagdaan ng Pangulo ang bagong batas na nagtataas sa teaching supply allowance ng mga guro sa pampublikong paaralan.
“Nag-agree kami ni Senate president that even before the LEDAC na sa third week ng buwan na ‘to, mag-usap kami. Ah siyempre naman ‘yung coordiantion between SP and myself of course, we have each other’s numbers,” sabi nito.
Ayon sa lider ng Kamara, sinabi House Majority Leader Jose Manuel Dalipe at ang Senate counterpart nito na si Sen. Francis Tolentino ay nag-uugnayan na rin.
“May coordination din (sila), so mukhang ano we’re on our way. We will allow the Senate to fully organize itself or reorganize itself and the common legislative agenda will be outlined as well as the priority legislation,” sabi nito.
Ayon kay Speaker Romualdez batid ni Escudero na maraming panukala ang naaprubahan na ng Kamara at nakabinbin sa Senado kasama rito ang mga priority measure na binanggit ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kanyang SONA at mga napagkasunduan ng Legislative-Executive Development Advisory Council (LEDAC).
“So ‘yung coordination will be particularly dito sa mga bicameral conference committees on how we reconcile the differing versions,” dagdag pa nito.
Sinabi ni Speaker Romualdez na hinihintay na lamang ng Kamara ang mga lokal na panukala na bibigyang prayoridad ng Senado.
“Pero maganda po naman ang usapan natin ni Senate President,” sabi nito.
Nang tanungin kaugnay ng panukala na amyendahan ang economic provisions ng Konstitusyon na nakabinbin na ang mga panukala sa Senado.
“Siyempre isa pa rin naman na naka pending yung RBH 6 sa Senate saka yung RBH 7, so we’ll get to that,” dagdag pa nito.