
KAMARA: PBBM SERYOSO SA PAGLABAN SA KRIMEN

PINURI ng mga lider ng Kamara de Representantes ang mabilis na pagkakaaresto sa mga suspek sa pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at sa drayber nito, na isa umanong patunay na seryoso ang administrasyong Marcos sa paglaban sa krimen.
Ayon kina Surigao del Norte Rep. Robert Ace Barbers, chairman ng House committee on dangerous drugs, at Laguna Rep. Dan Fernandez, chairman ng House committee on public order and safety, ang pagdakip ng mga tauhan ng Philippine National Police (PNP) ay patunay din ng determinasyon ng gobyerno sa pagbibigay ng hustisya at pagprotekta sa mamamayan laban sa krimen.
“This swift action by the PNP proves that under the leadership of President Marcos, our law enforcement agencies are working with greater precision and efficiency in solving crimes,” ani Barbers, na pangunahing chairman din ng House quad committee.
Pinuri niya si PNP Chief Gen. Rommel Marbil at ang kanyang mga tauhan sa ipinamalas na propesyonalismo sa isinagawang operasyon.
“This is an excellent example of what determined, evidence-based policing can achieve. Kudos to Gen. Marbil and his team for getting the job done without unnecessary loss of life,” dagdag pa ni Barbers.
Binigyang-diin din niya na ang pag-arestong ito ay isang mensahe na makakamit ang hustisya sa pamamagitan ng legal na proseso.
“This development shows the growing capacity of our law enforcement agencies to resolve cases with professionalism and restraint. We should encourage this kind of performance from our police officers,” paliwanag ni Barbers.
Dagdag pa niya, kailangang panatilihin ng PNP ang ganitong momentum sa pagsugpo sa mga high-profile na krimen sa bansa.
“We must continue building on this. The public deserves to feel safe, and that comes from knowing that justice is being served through due process,” ani Barbers.
Ang mga suspek na sina Ricardo Austria David, Raymart Catequista at David Tan Liao, na kilala rin sa mga alyas na Xiaoxiang Yang, Yang Jianmin at Michael Abadyung, ay nasa kustodiya na ng PNP.
Si Liao, isang Chinese national, ay kusang-loob na sumuko sa PNP Anti-Kidnapping Group (AKG), habang sina David at Catequista ay naaresto sa Palawan. Ang tatlo ay nahaharap sa dalawang kaso ng kidnapping for ransom with homicide.
Pinuri rin ni Fernandez ang operasyon ng pulisya at sinabing ito ay patunay na maaaring maghatid ng hustisya sa hindi marahas na paraan.
“This is really good news! Ito ay patunay na seryoso ang pamahalaan sa paglaban sa krimen. At higit sa lahat, walang namatay sa operasyon. Maari naman palang magawa ito ng ating kapulisan,” ani Fernandez.
Dagdag pa niya, ipinakita ng pagkakaaresto ng mga suspek sa kaso ni Anson Que ang epektibong koordinasyon ng administrasyong Marcos sa mga ahensyang pangseguridad.
“Makikita natin na may malinaw na direksyon ang ating pamahalaan pagdating sa seguridad. Nakikita natin ang bunga ng coordinated action ng mga ahensya,” dagdag pa niya.
Tiniyak ni Fernandez sa publiko na patuloy na susuportahan ng Kongreso ang mga programa at reporma upang mapabuti ang kaligtasan ng publiko.
“Nasa likod kami ng mga programa ng gobyerno na naglalayong gawing mas ligtas ang ating mga komunidad,” ani Fernandez.
Huling nakita sina Que at Pabillo noong Marso 29 matapos umalis sa opisina ni Que sa Valenzuela City. Kinabukasan, isang ransom demand na nagkakahalaga ng $20 milyon ang ipinadala sa pamilya ni Que sa pamamagitan ng WeChat, kaya agad nila itong iniulat sa AKG.
Sa kabila ng pagsisikap ng pamilya na makipagnegosasyon, natagpuan ang mga bangkay nina Que at Pabillo noong Abril 9 na inabandona sa gilid ng kalsada sa Rodriguez, Rizal.
Kalaunan, natukoy ng mga awtoridad na pinatay ang mga biktima sa isang bahay sa Meycauayan, Bulacan, kung saan narekober ang DNA evidence na tumutugma sa mga biktima.
Ang surveillance footage at cyber monitoring ay may malaking ginampanan sa pagtukoy sa mga suspek.
Naniniwala ang mga imbestigador ng PNP na ang krimen ay maaaring pinlano pa noong Enero 2025 at maaaring bahagi ng mas malawak na sabwatan, na posibleng may kaugnayan sa Philippine offshore gaming operation (POGO).