
Kalidad ng edukasyon puntirya ng ‘smart school’ ni Ate Sarah na pantugon sa mababang PISA rating ng bansa
“Nakaya nating maging top performing school sa PISA noong 2018, mas kaya nating ibalik ito sa tulong ng smart school na pangarap ko para sa mga batang Pasig”
PASIG City — Naniniwala si mayoralty aspirant Sarah Discaya na muling makapag-ambag ang lungsod na ito sa pagpapataas ng assessment rating ng bansa sa Program for International Student Assessment (PISA) sa paraan ng kanyang platapormang “smart school.”
Ito ay kasunod ng pahayag ng Department of Education na determinado itong itaas ang PISA rating ng Pilipinas sa 2025, sa pangunguna ng hepe nitong si Sonny Angara na siyang naglatag ng mga estratehiya upang maiwasan ang mahinang performance ng mga bata kagaya noong 2022.
Batay sa PISA 2022 results na inilabas ng Organization for Economic Cooperation and Development (OECD) noong Disyembre 2023, nakapwesto lamang ang Pilipinas sa ranggong 76 sa 81 bansang lumahok sa global assessment na sumusukat sa kakayahan ng mga mag-aaral sa reading comprehension, mathematics, at science.
Sa kabila ng pangungulelat ng bansa nitong 2022 assessment ay naitala naman ng Pasig City Science High School ang paging top performer nito noong 2018, na siyang ikinalungkot ng ilang education officials dahil sa ang resultang inilabas nitong 2023 ay tanging ang Benigno Aquino High School in Makati lang sa 188 na paaralan na sumali sa PISA ang nakalusot sa tinawag na minimum proficiency level sa reading, science at mathematics.
Ipinagmamalaki ni Discaya na nasa sentro ng kanyang ‘smart school’ na plataporma ang pagbibigay ng dekalidad na edukasyon gamit ang kumpletong learning tools, makabagong pagtuturo, at IT-driven learning systems para sa mga mag-aaral ng Pasig.
“Nakaya nating maging top performing school sa PISA noong 2018, mas kaya nating gawin at ulitin ito upang mapataas ang rating ng bansa,” ani Discaya.
Saklaw ng kanyang plataporma ang pamamahagi ng laptops, computers, at pagbibigay ng malawakang internet access sa mga estudyante upang mapabilis at mapahusay ang kanilang pagkatuto.
“Prayoridad namin ang magandang kinabukasan ng Pasig. Isa sa mga hakbang dito ay ang pagbibigay ng suporta sa edukasyon ng ating kabataan,” dagdag pa niya.
Bilang bahagi ng kanyang adbokasiya, plano ni Ate Sarah na magpatayo ng bagong 11-storey university building na laan para sa mga mag-aaral ng lungsod.
Layon ni Discaya na iangat ang Pasig bilang isang smart city, isang lungsod na may mga smart schools at smart hospitals, kung saan ang teknolohiya ay kaakibat ng serbisyong pampubliko at pag-unlad ng mamamayan.