Magi

Kalayaan sa libido dominandi

June 8, 2024 Magi Gunigundo 227 views

ANG maging mayaman at pinararangalan sa isang hindi makatarungang lipunan ay isang kahihiyan- – Confucius.

SARIWANG hangin ng susing talumpati ng Pangulong Marcos sa 21st International Institute for Strategic Studies (IISS)-Shangri-La Dialogue sa Singapore dahil matikas ang mensahe na ang West Philippine Sea ay teritoryo ng Pilipinas at ipaglalaban ito ng bansa, na kabaligtaran ng nakaluhod at nagsusumamong tono ng nakaraang

administrasyon. Ang deklarasyonng Pangulo ay nasa tamang dako at humihipo sa damdamin ng sambayanan at tapang ng sandatahang lakas sa pagharap sa mga komunistang nangangamkam ng ating karagatan.

Sa paggunita ng Araw ng Kalayaan, ating bulayin ang sinulat ni ApolinarioMabini (The end and fall of the revolution) na sinisi ang mahinang klase ng liderato ni Aguinaldo bilang sanhi ng nabigong himagsikan laban sa Kastila at Amerikano. Sinabi ni Mabini na sa halip na tangkilikin ni Aguinaldo ang mga lalaki at babaenapinaka-kapaki pakinabang sa rebolusyon, umiral ang selos ng Heneral at ginawang inutil ang mga ito (pinapatay pa nga). Pinaligiran niya ang kanyang sarili ng mga paboritong kaibigan at kamag-anak, at nagbulag-bulagan sa mga kalokohan ng mga ito.

Samakatuwid, ang karakter ng liderato ay napakahalaga sa pagsusulong ng kaunlaran ng lahat ng Pilipino.

Hindi maikakaila ng datos mula 1960s na ang Pilipinas ay unti-unting nahulog mula sa unahan puwesto at dumausdos sa hulihang posisyon sa Asya.

Ito ay hindi dahil walangginagawang reporma ang pamahalaan. Palagi ngang pinag-aaralan ng mga bansa sa ASEAN ang mga plano at patakaran ng Pilipinas na nagsisilbing padron ng kani-kanilang programa ngunit lalo pa nilang kininis ito at itinapon ang mga maling pagpapatupad nito batay sa pag-aaral nila sa karanasan ng Pilipinas.

Samantala, bagamat alam natin ang ating mga pagkukulang, usad pagong ang repormang pinapatupad sa Pilipinas dahil sa di-makitang kamay na pumipigil sa malawakang reporma. Dahil dito, patuloy tayong nagagahis ng mga bansa sa ASEAN.

Sumasang-ayon tayo sa hinuha na ang sanhing pagdausdos ng bansa ay dahil piniling mga makapangyarihan sa ekonomiya, pulitika at relihiyon na isakripisyo ang panlahatang kabutihan para umabante ang pansariling pakinabang (Habito, LOVE OUR COUNTRY, June 4,2024).

Ang hinuhang ito ay tugma sa pag-aaral ni Robinson at Acemoglou kung bakit bigo ang maraming bansa sa labansa kahirapan (Why Nations Fail).

Dapat maunawaan ng mga makapangyarihan na mayroon pa rin pakinabang sila sa pag-angat ng lahat ng Pilipino, at lalong lalaki ang anino nila sa mata ng mga dayuhan. Kahihiyan ipagmalaki ang karangyaan samantalang ang maliit na per capita income ng maraming Pilipino ay nilalamon ng inflation at walang naiimpokpara may madukot kung ma-aksidente o tamaanng malubhang karamdaman. Kailangan ng reporma na malawakan ang epekto sapagpaparami ng oportunidad na umabante sa buhay ang mga maralita. Hindi ito mangyayari kung walang suporta ang mga may kapangyarihan.

Noon pang ika-limang siglo, hinikayat na ni St. Augustine ng Hippo na iwaksi ng tao sa City of Man ang “libido dominandi” (wikang Latin) o kasakiman sa kapangyarihan, at pairalin ang pag-ibig sa Diyos, at kapwa, na umiiral sa paraiso na tinawag niyang City of God. Talamak din sa korapsyon ang simbahang Katoliko at kasama ito sa binatikos ng santo. Para kay Augustine, ang “libido” ay pagnanasa na hindi mapigilan at winawasak nito ang relasyon ng tao sa kanyang kapwa at higit sa lahat, sa Panginoong Diyos. Pinalayas ng libido ang pagsisiyasat ng konsensiya at naghahari ang pagpapahalaga sa sariling dangal na kinukunsiti ng kasinungalingan at ginto na katas ng kasakiman. Wala pang nadidiskubreng bakuna para sa kahinaang ito na likas sa sangkatauhan.

Ang Pangulo ay binihisan ng Konstitusyon ng kapangyarihan para magpatupad ng malawakang pagbabago sa pamahalaan at sa lipunan.

Siya lamang ang may tangan ng baston na kinakatakutan ng mga makapangyarihang sugapa sa kasakiman. Sana’y magawa ng Pangulo ang hindi nagawa ng mga nakaraang administrasyon- makamitang kalayaan sa libido dominandi ng mga makapangyarihan na balakid sa kaunlaran ng bansa.

AUTHOR PROFILE