
Kailan masasabing nanganganib ang buhay ng kapulisan laban sa kriminal?
MAHIRAP din ang kalagayan ng mga pulis na gumaganap sa kanilang tungkulin sa pagdakip sa mga masasamang loob dahil kinakailangan talagang mapatunayan na nanganganib ang kanilang buhay bago gamitan ng puwersa o barilin ang suspek.
Bagama’t hindi naman maiaalis na mayroon talagang ilang mga “trigger happy” na alagad ng batas, mas marami naman sa kanila ang talagang nais lamang na maipatupad ng wasto ang batas at mahuli sa mapayapang paraan ang mga kriminal.
Sa kaso kasi ng anim na pulis ng Sta Mesa Police Station 8 ng Manila Police District (MPD) na sinibak sa puwesto dahil sa maling paraan ng pagdakip sa holdaper na binaril sa binti nang magtngkang tumakas noong Biyernes ng hapon, Enero 12, tiyak na magdadalawang-isip ang ilang kapulisan na gumawa ng marahas ng hakbang kapag naulit ang ganitong pangyayari.
Wala namang paglalagyan ang mga pulis dahil kapag nakatakas ang kriminal, maaari rin silang masibak habang kapag gumawa sila ng marahas na hakbang tulad ng pagbaril sa binti ng holdaper, ayun, nga, sibak din at iimbestigahan pa, bukod sa isasailalim sa panibagong training, orientation at refresher courses.
Sa lumabas kasing ulat sa pahayagan, tinangka raw saksakin ng suspek ang isang pulis kaya niya ito binaril sa hita nang habulin nila sa ginawang pagtakas pero nang rebisahin ang kuha ng CCTV sa lugar, malayo ito sa katotohanan dahil nakita pa kung papaano sinusundot ng kalasag at batuta ng mga pulis ang holdaper para pababain sa jeep at nang makatakbong palabas, tila nakipag-patintero pa ang mga pulis at narinig pa sa video ang sunod-sunod na putok hanggang mabaril sa hita ang suspek.
Dapat daw kasi ay nag-warning shot na lang ang pulis para pasukuin ang kriminal sa halip na paputukan kaagad lalu na’t anim naman sila at nag-iisa lang ang holdaper na armado ng patalim.
Pero mayroon na palang utos diyan ang Korte Suprema noong Agosto ng taong 2005 sa kaso ng isang pulis sa Nueva Ecija na ipinakulong at sinibak sa tungkulin ng Sandiganbayan dahil sa hindi muna pagbibigay ng warning shot at binaril kaagad ang tumatakas na magnanakaw na ikinasawi kaagad nito.
Sabi ng Korte Suprema, kung may nakaumang na banta sa buhay ng isang pulis at wala ng paraan para siya madakip ng matiwasay, puwede namang hindi na siya mag-warning shot at barilin kaagad ang kriminal.
Kaya lang, noong panahong nangyari ang naturang pamamaril ng pulis sa kriminal ng taong 1992, baka wala pang nakakabit na CCTV.
Pamamaslang sa caretaker ng mini-carnival, masusing sinisiyasat ng pulisya
NAGPAKABOG pala sa dibdib ng mga nangangasiwa ng mga ilegal na sugal sa loob ng mga peryahan sa Cavite ang nangyaring pagpatay sa isang alyas “Peter” na caretaker ng isang peryahan sa Imus, Cavite.
Kadalasan kasi, ang mga caretaker ang kausap at humaharap sa mga protector ng kanilang ilegal na gawain, kaya ikinabahala nila ang nangyaring pamamaslang sa biktima sa loob mismo ng mini-carnival sa Brgy. Anabu nito lang Enere 13 ng kasalukuyang taon.
Bagama’t hindi pa batid ang tunay na motibo ng mga salarin sa naturang pamamaslang, may mga pinagbabatayan na ang mga imbestigador para matumbok ang mga salarin.
May ilan pala kasing tagapangasiwa na bukod daw sa maangas ay gumagawa ng sarili nilang gimmick para raw busugin ang sariling bulsa bagama’t sa kaso ng pagpaslang kay Peter, hindi inaalis na personal na alitan ang dahilan ng krimen.
Sana naman ay maresolba kaagad ang kaso at mahuli ang mga salarin para mabigyan ng katarungan ang walang awang pagpatay sa biktima.
Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]