Default Thumbnail

Kailan kikilos ang DILG sa gulo sa Makati at Taguig?

August 16, 2023 Allan L. Encarnacion 318 views

Allan EncarnacionHINDI pa rin matapos-tapos ang territorial dispute sa pagitan ng Makati City at Taguig City sa kabila ng pinal na desisyon ng Korte Suprema na nagdedeklarang ang mga barangay na dating sakop ni Mayor Abby Binay ay nasasakupan na ngayon ni Mayor Lani Cayetano.

Ang gustong mangyari ng Makati government, bayaran ng Taguig government ang mga ginastos nila sa kontsruksiyon ng mga paaralan nila bago ang pormal na takeover.

Kailangang maliwanag na ang desisyon at kautusan ay nagmula sa Korte Suprema at walang kinalaman ang city hall ng Taguig.

Sabi ng Kataas-taasang Hukuman, ang mga barangays Pembo, Comembo, Cembo, South Cembo, West Rembo, East Rembo, Pitogo, Rizal, Post Proper Northside and Post Proper Southside at Bonifacio Global City ay sakop ng Taguig

Bago pa ang pinal na desisyon ang lahat ng mga pagawaing bayan sa Makati, kasama na ang 14 public schools sa barangays sa disrito dos ng lungsod gaya ng Fort Bonifacio Elementary School, Cembo Elementary School, South Cembo Elementary School, Pitogo Elementary School, East Rembo Elementary School, Rizal Elementary School, Comembo Elementary School, West Rembo Elementary School, Pembo ES, Makati Science High School (MSHS), Benigno “Ninoy” S. Aquino High School, Tibagan High School, Fort Bonifacio High School at Pitogo High School ay responsibilidad ng lungsod ni Mayoy Binay.

Natural lang na magmula sa pako hanggang bubungan ng mga paaralan ay gastusan ng Makati City government. Ngayong napunta na sa Taguig ang teritoryo, obligasyos naman ng Taguig na panatilihin ang mga paaralan na maayos ayon sa kanyang dinatnan at kung kinakailangan ay ayusin pa ang mga dapat ayusin kung mayroon mang kakulangan.

Malapit nang magbukas ang kalendaryo ng mga public school kaya dapat may mga malamig ang ulo ang mamagitan sa Makati at Taguig para sa kapakanan ng mga mag-aaral.

Sa bahagi ng Taguig, nagsimula na ang Brigada Eskuwela bilang paghahanda sa pasukan kaya nga abala sila sa pagsasaayos ng mga pasilidad ng paaralan.

Mismong ang Department of Education ay naglabas na ng Memorandum Order 2023-735 bilang pagkilala sa SC ruling na nag-aatas sa paglipat ng pamamahala ng mga paaralan ng Deped Division of Makati patungo sa Deped Division of Taguig.

Nanawagan tayo sa mga opisyal ng Makati mula kay Mayor Binay hanggang sa department heads at mga barangays na magtulungan na lamang para sa kapakanan ng mga mamamayan. Kailangan nating irespeto ang desisyon ng Korte Suprema upang manatili tayong sibilisadong lipunan.

Sa bahagi ng DILG, kailangan din nilang tumayo at manindigan para sa peaceful transition ng dalawang lungsod. Hindi puwedeng nakatunganga lamang ang mga ahensiya habang nagaganap sa kanilang harapan ang kaguluhan. May moral na obligasyon ang DILG bilang nakakasakop sa LGU para panatilihin ang kaayusan.

Huwag na nating hintaying humantong sa hindi maganda ang sitwasyon, kailangan nating maging maagap dito. Sa isang banda, hindi naman mahirap timbangin ang sitwasyon dahil susunod lamang naman tayo sa kautusan ng Korte Suprema.

Pag hindi natin iginalang ang pinakamataas na hukuman ng bansa, baka sa kangaroo court na tayo magkikita-kita!

[email protected]