Default Thumbnail

Kailan babalik?

August 22, 2021 Vic Reyes 947 views

Vic ReyesKAILAN kaya babalik ang dati nating pamumuhay sa Pilipinas?

Ito ngayon ang tanong ng marami nating kababayan pagkatapos na isailalim sa ECQ at kalaunan ay MECQ ang Metro Manila at iba pang lugar sa bansa.

Walang magagawa ang mga otoridad kundi gawin ito kaugnay nang muling paglobo nang bilang ng mga kaso ng COVID-l9 sa nasabing mga lugar.

Ang masakit, tumataas pa rin ang bilang ng mga dinadapuan ng nakamamatay na virus, sa kabila ng ongoing anti-COVID vaccination program ng gobyerno.

Maging ang mga fully vaccinated na kababayan natin ay nahahawa rin at namamatay pa.

Talagang iba ang virus na ito na nagpapahirap sa buong mundo.

Kayang magbagong anyo at mas mabagsik pa ang mga bagong variant na sumusulpot.

Ang tingin natin, kailangang makatuklas na ng epektibong gamot ang mga siyentista para makabalik na tayo sa normal.

Kung patuloy ang mga lockdown, baka hindi makabangon ang ating naghihingalong ekonomiya.

Kung magluluwag naman ang gobyerno ay baka lalong mapapahamak ang mga kababayan natin. Pero dapat natin tingnan ang ginawa ng Estados Unidos. Bagamat hindi kasing bigat nang ginawa nating paghihigpit, mas marami na ngayon ang nakababalik sa trabaho. Maging ang kanilang ekonomiya ay unti-unti nang nabubuhay.

Naging masalimuot nga lang ang unang bahagi ng paglaban nila sa pandemya dahil sila ang may pinakamaraming kaso ng inpeksiyon at namatay.

Ang naging susi ay mass vaccination na umabot sa halos 2 milyong katao ang nababakunahan bawat araw.

Dito sa atin, dapat ikonsidera na ng gobyerno na imbes na nagbibigay ng ayuda sa tuwing magpapatupad ng ECQ, ibili na lang nila ng bakuna ang pera.

Unahin ng bakunahan ang mga taga-NCR Plus dahil nandito ang sentro ng ekonomiya at maraming tao ang tinatamaan ng virus.

Karamihan naman ng nagdadala ng COVID-19 sa mga lalawigan ay mga asymptomatic na galing NCR Plus.

Hanggat hindi natutugunan ng maayos ang pagkalat ng COVID-19 sa bansa, kawawa maging ang mga susunod na henerasyon.

Sasakit din ang ulo ng susunod na administrasyon, sa dami ng mamanahing problema at utang ng bansa.

Perhuwisyo talaga!

***

Hindi lang COVID-l9, dengue at iba pang sakit ang dapat bantayan ng gobyerno ngayong panahon ng pandemya.

Siguruhin nilang walang mangyayaring hoarding at overpricing ng mga pangunahing bilihin.

Dahil sa patuloy na paghihirap ng taumbayan dahil sa pandemya, nandiyan pa rin ang ibang magpasamantalang negosyante.

Hindi katanggap-tanggap ang hoarding at profiteering, lalong-lalo na kapag may national emergency.

Dapat may masampolang trader sa mga syudad at bayan para matakot ang mga walang pusong negosyante.

Hindi lang dapat pagmultahin ang isang hoarder o profiteer, kailangang makulong din para huwag ng pamarisan ng iba.

Kung multa lang, walang matatakot na hoarder o profiteer.

Kilos na DTI!

***

Sa pamumuno ni Commissioner Rey Leonardo “Jagger” Guerrero, hindi makakaila na marami na siyang nagawang pagbabago sa Bureau of Customs.

Sa katunayan, noon lang Agosto 13, isang makabagong Water Patrol Unit ng BoC ang binuo.

Ito’y matapos mag-training ang 29 na personnel na bubuo sa BoC-ESS Water Patrol Division.

Sila ay sinanay ng Philippine Coast Guard at BoC’s Interim Training and Development Division.

Ang halos isang buwang pagsasanay ay ginawa bilang paghahanda sa pagdating ng 20 fast boats na bubuo ng water assets ng ahensya.

Ang 29 na graduate ay nag-aral ng water patrol basic navigation, boat handling and maneuvering, at boat operations and maintenance.

Ang graduation rites ay dinaluhan nina PCG Rear Admiral Allan Victor dela Vega, CG CDR Roderick M Elioran, Capt Ed de Luna at ESS Director Felimon ”Yogi” Ruiz.

Pinasalamatan ni Director Ruiz ang PCG sa ginawa nitong pagsasanay sa mga 29 ESS personnel.

Congrats sa bumubuo ng ESS Water Patrol Division!

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #(0969) 037 7083/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE