
Kahit bigyan pa ng mansion sa Beverly Hills!
MARAMI tayong mga kababayan na nagbuhos ng dugo’t pawis sa pag-aasikaso para dumating ang araw na sila’y makapaninirahan at makapagtrabaho sa Estados Unidos.
Noong minsan kaming nasa bahay ng kapatid ko sa Virginia, sabi ko sa anak kong panganay na si Bryan na manatili muna doon ng ilang buwan hanggang magamay niya ang lugar at kalaunan ay doon na magtrabaho at manirahan dahil graduate naman na siya ng college sa Letran.
Isang buwan o dalawang buwan pa lang ata, umuwi na! Wala na akong nagawa.
Iyong bunso naman naming si Deivid, nabigyan ng college scholarship sa Longwood University sa Farmville dahil nakapasa siya sa interview at makapagbigay ng lahat ng requirements matapos maka-graduate sa Ateneo High School.
Habang lumalapit na ang petsa ng paglipad niya sa US, kami namang mag-asawa ang parang binilalisawsaw sa pagdadalawang iisip. Parang hindi naman namin kayang pakawalan ang aming bunso na noon ay wala pang 20 years old.
Kami pa ring mag-asawa ang nasunod. Ang ending, hindi siya natuloy sa Longwood dahil sa Ateneo pa rin siya nagpatuloy at nakapagpatapos ng kolehiyo. Bandang huli, tama rin pala ang aming desisyon na huwag siyang tumuloy dahil makalipas lang ang isang taon, nagkaroon ng worldwide pandemic. Kung nagkataon at inabot ng lockdown si Deivid sa Amerika, baka lalo kaming nahirapang mapabalik siya
Iyong huling interview ko para sa US visa renewal, tinanong ako ng consul kung may balak daw ba akong magtrabaho sa Amerika. Ang bilis ng sagot ko sa kanya: No, sir. because I’m a boss here!”
Natawa iyong consul sa sagot ko, sabay sabing: That’s good, you’ll get your visa!” Nang ma-deliver ang aking passport, may kalakip nang US multiple visa for another 10 years na more than 3 years na ata hindi pa nagagamit.
Pero hindi rin natin masisi ang marami nating kababayan na nangangarap na makapanirahan at makapagtrabaho sa land of milk and honey. Marami sa kanila ang hindi nagkaroon ng magandang kapalaran sa ating bansa kaya humahanap ng greener pasture.
Alam natin na marami sa kanila ngayon ang na nag-aalalang naapektuhan ng matinding kampanya ng US government laban sa mga illegal/legal immigrants.
May mga kababayan tayo na halos 20 hanggang 30 years nang nakatira sa Amerika ang hindi pa rin kampante dahil sa kampanyang ito ni President Trump.
Across the board ang kampanyang ito, walang pinipiling nationality kaya kailangan ding matiyak ng ating mga kababayan na nasa ayos ang kanilang mga dokumento. Noong una, mga illegal immigrants/legal immigrants na may mga criminal cases lang ang target pero kalaunan ay naging wholesale campaign na.
Nasa 500,000 na ang apektado ng kampanyang ito. Umaasa tayong ang Philippine government ay palaging nakaagapay sa mga kababayan nating kailangan ng tulong sa Amerika para makaalpas sa nakaambang problem sa kanilang paninirahan sa Estados Unidos.
Para sa akin lang ito ha, kahit bigyan mo ako ng libreng mansion sa pagitan ng Hollywood walk of fame at Rodeo Drive, Beverly Hills mas gugustuhin ko pa rin manirahan dito sa amin sa sulok ng Quezon City.
Iba pa rin talaga iyong narito ka sa sarili mong bayan.