
Juvenile law ni Sen. Pangilinan ibasura!!!
KAMAKAILAN isang kasambahay ang lumapit sa Erwin Tulfo Action Center para ihingi ng tulong ang kanyang 8-year-old na pamangking babae sa Davao Oriental.
Maluha-luhang sumbong ni ate, ang suspek daw na katorse anyos ay patuloy na nakakagala sa kanilang barangay at hindi man lang dinampot ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Ang masaklap, pinagyayabang pa raw ng demonyong menor de edad sa mga barkada niya na marunong na siya makipagtalik, kwento pa ng tiyahin ng biktima.
Dagdag pa ni ate na kasambahay, nilagay naman daw sa logbook ng DSWD ang kaso pero pinauwi lang ang suspek dahil wala raw silang paglalagyan sa batang kriminal.
Ang reklamong ito ng panggagahasa ng menor de edad sa kapwa menor de edad sa Davao Oriental ay isa lamang sa dumaraming kaso na kinasasangkutan ng mga kabataan sa buong bansa…salamat pala kay Senador Kiko Pangilinan.
Si Kiko ang may akda ng Republic Act 9344 o ang Juvenile Justice Law of 2006 na nagpoprotekta sa mga menor de edad na hindi makukulong kapag nakagawa ng krimen.
Sa isang media interview noon sinabi ng senador na karamihan daw kasi sa mga kabataan na nasasangkot sa krimen ay galing sa mahirap na pamilya at gusto lang mabuhay.
Ang tanong ko ngayon kay Senador Pangilinan, “Ang panggagahasa ba ng isang menor sa kapwa menor de edad sagot sa kumakalam nilang sikmura, Sen???”
Naisip mo rin ba habang pinapanukala mo yang bwisit na batas na ang pinoprotektahan lamang ay ang mga batang kriminal at hindi ang mga biktima nila na mga menor de edad din?
Ayon sa juvenile law, ang mga menor na nagkasala ay hindi ilalagay sa kulungan kundi I-turn over sila sa dswd para maalagaan.
Pero ang problema, at tila hindi na naman naiisip ni kiko, walang pasilidad ang DSWD para paglalagakan ng mga batang sangkot sa krimen.
At kapag dinala ng mga pulis ang mga batang suspek sa DSWD pinauuwi na lang ito sa kanilang tahanan dahil wala nga raw silang paglalagyan sa mga batang kriminal.
Ito ang nangyari doon sa 14-year-old old na nanggahasa ng eight years old na batang babae sa Davao Oriental kamakailan…pinauwi na lang dahil wala silang paglalagyan sa batang suspek.
Sa madaling sabi, palpak ang batas na ito na hindi pinag-aralan ng mga pulpol nating mga mambabatas.
Dapat sana ay nagpatayo muna ang gobyerno ng mga facilities para sa mga youth offenders at doon sila ilalagak bago inaprubahan itong walang kwentang juvenile law.
Panahon na, na rebyuhin o ibasuraang walang saysay na batas na ito na para bang nagbibigay lang ng karapatan sa mga menor edad na gumawa ng kasalanan sa lipunan. Ni Erwin Tulfo