Default Thumbnail

‘Jumalon case’ hindi napapabayaan

January 11, 2024 Paul M. Gutierrez 358 views

PaulMALAKI ang ating paniwala na makakamit ang hustisya ng pamilya ni Calamba, Misamis Occidental broadcaster, Juan ‘DJ Johnny Walker’ Jumalon na pinaslang sa loob mismo ng bahay nito habang nagsasagawa ng live broadcast noong November 5, 2023. Matibay na rin ang ating paniwala na mga ‘hired killers’ ang nagsagawa ng krimen.

“Tukoy na,” as in “kilala” na natin mga kabayan, ang mga salarin sa naturang pagpaslang. Sa ngayon, hinihintay na lang natin ang aksyon ng Provincial Prosecutor ng Misamis Occidental sa kasong ‘murder’ at ‘theft’ laban sa mga suspek na sina Alyas “Ricky,” “Boboy” at “Inteng.”

Ang mga kaso ay isinampa ng SITG Johnny Walker na binuo ng PNP kung saan si P/Col. Dwight Monato, PD ng Misamis Occidental ang ‘ground commander’ at palagi nating kausap hinggil sa itinatakbo ng mga kaso at imbestigasyon.

Bagaman nga hindi pa nailalabas ang ‘warrant of arrest’ sa mga suspek, naniniwala tayong “pormalidad” na lang ito dahil bukod sa PNP, patuloy tayong nakatatanggap ng mga tawag sa ‘PTFoMS hotline’ mula sa mga ‘concerned citizens’ na interesadong maresolba ang kaso.

Siyempre pa, malaking “inspirasyon” din sa kanila ang kabuuang pabuya na P3.7 milyon na inilaan ng Misamis Occidental Provincial Government sa pangunguna ni Gov. Henry Oaminal, kasama ang ating ahensiya at ang Presidential Anti-Organized Commmission (PAOCC).

Sa social media, naipakalat na rin natin ang ‘wanted poster’ ng mga suspek; magpapalimbag din tayo ng libo-libong kopya nito na balak nating ipakalat din sa buong Northern Mindanao.

Noong Martes, nakatanggap din tayo ng tawag sa telepono mula kay Mrs. Jeje Jumalon, maybahay ni DJ Johnny, kung saan nagpahayag siya ng pasasalamat sa ating ahensiya at sa buong administrasyong Marcos dahil nga nakumpirma nila bagaman ilang buwan na ang lumipas, hindi pala nagpapabaya ang gobyerno at patuloy na nakatutok sa insideteng ito.

Nagpapasalamat din tayo kay PD Monato dahil hanggang ngayon pala, patuloy na may police protection ang pamilya Jumalon, mismo! Kaya nga bagaman hindi pa nadarakip ang mga suspek, kahit paano ay may ‘peace of mind’ ang pamilya, ayon na rin kay Mrs. Jumalon.

Ang lahat ng ito ay “patunay” din na ginagampanan ng ating kapulisan ang kanilang trabaho sa pagtutok sa kasong ito at sa iba pang mga kaso ng mga karahasan partikular sa hanay ng media.

Higit sa lahat, Sec Boying Remulla at Sec Cheloy Garafil, “resibo” din ito na seryoso at determinado ang administrasyon ni Pangulong Bongbong Marcos na panagutin ang mga may-sala sa kasong ito, tama ba?

Malinaw na mensahe din ito ni PBBM na lahat ng gumagawa ng karahasan sa mga kagawad ng midya ay mapaparusahan.

Patuloy din ang ginagawang pakikipag-ugnayan ng PTFoMS sa lahat ng law enforcement agencies hinggil sa iba pang mga kaso na may kaugnayan sa mga mamamahayag, at tinitiyak natin, bilang executive director ng PTFoMS, na hindi tayo titigil hanggang makamit ang hustisya sa mga biktima ng karahasan sa hanay ng media.

AUTHOR PROFILE