
Julie Anne nagpa-block screening ng pelikula ni Rayver
Minsan pang pinatunayan ni Julie Anne San Jose ang pagiging supportive girlfriend kay Rayver Cruz nang magpa-block screening siya ng pelikula nitong “Sinagtala” sa Podium Cinema.
Actually, ilang block screenings ng nasabing pelikula ang sabay-sabay na idinaos noong nakaraang Miyerkules. Kaya naman hindi na nagawa pang humabol ni Rayver sa media screening na ginanap sa Director’s Club sa SM Aura.
Ang tanging nakasama ng press noong gabing iyon ay ang co-star at kapwa-Kapuso actor ni Rayver na si Matt Lozano.
Siyempre, flattered ni Matt dahil panay papuri ang narinig sa press pagkatapos ng screening.
Sobra siyang nagpasalamat sa lahat ng pagbati sa mahusay niyang pagganap bilang Isko, ang klosetang bakla na hindi makapaglantad dahil sa takot sa ama (played by Benjie Paras).
Kwento ni Matt, naka-relate siya sa karakter ni Isko dahil tulad nito ay musician din siya in real life. Pero inamin niya na kung siya si Isko, magpapakatotoo na lang siya sa mga mahal sa buhay.
“Kung ano ako, mag-a-out talaga ako. Pero straight naman po ako, wala po akong ia-out, hahaha!” pahayag niya.
Nirerespeto raw ni Matt ang sitwasyon ng mga baklang hindi makapag-out “kasi wala namang ibang may karapatan na maglantad ng gender nila kundi ‘yung sarili lang nila. Kung hindi pa kayo ready, okay lang ‘yan. Kung ready na kayo, mas makakaluwag siguro sa inyo na i-out n’yo.”
Actually, maraming touching scenes si Matt sa “Sinagtala,” pero ang pinaka-nagmarka sa press ay ang confrontation scene nila ni Arci Munoz sa banyo at ang sagutan nila ni Benjie habang naglalaro ng basketball.
Kanya-kanyang istorya ang bawat karakter sa pelikula na pinagbibidahan din, bukod kina Rayver, Matt at Arci, nina Glaiza de Castro at Rhian Ramos. Ang bawat kwento, lalong gumaganda dahil may kaakibat na musika.
All-original music nga ang ginamit sa movie na mula sa direksyon ni Mike Sandejas.
Hatid ng Sinagtala Productions, sa pakikipagtulungan ng creative producer nitong si Sen. Alan Peter Cayetano, showing na ang “Sinagtala” sa mga sinehan nationwide.