
Julia at Charlie tie sa Best Actress sa 7th The EDDYS, Piolo Best Actor
ITINANGHAL na Best Actress sina Julia Montes at Charlie Dizon habang wagi namang Best Actor si Piolo Pascual sa katatapos na 7th The EDDYS o Entertainment Editors’ Choice ng Society of Philippine Entertainment Editors (SPEEd).
Nanalo si Julia para sa natatangi niyang pagganap sa pelikulang Five Breakups And A Romance at si Charlie naman para sa Third World Romance habang si Piolo ay nagwagi para sa Mallari.
Ngayong taon, itinanghal ang pelikulang About Us But Not About Us bilang Best Film mula sa The IdeaFirst Company, Octoberian Films at Quantum Films at Best Director si Jun Robles Lana para pa rin sa About Us But Not About Us.
Ang Best Supporting Actress award ay naiuwi ni Gladys Reyes para sa Apag at ang Best Supporting Actor ay iginawad kay Enchong Dee para sa GomBurZa.
Naganap ang Gabi ng Parangal para sa ika-7 edisyon ng The EDDYS sa Ceremonial Hall ng Marriott Grand Ballroom, Newport World Resorts sa Pasay City, mula sa direksyon ng award-winning actor at filmmaker na si Eric Quizon.
Mapapanood ang kabuuan ng awards night sa delayed telecast nito sa ALLTV sa July 14, 10 p.m.
Nagsilbing host ang itinanghal na Best Actress ng 6th EDDYS na si Janine Gutierrez (para sa pelikulang Bakit Di Mo Sabihin?) kasama ang Kapuso “Millennial It Girl” na si Gabbi Garcia at movie at TV actor Jake Ejercito.
Nagkaroon ng espesyal na pagtatanghal ang award-winning singer na si Jed Madela, singer-songwriter Ogie Alcasid, drag queens Rampa Reynas at promising young artists na sina Elisha Ponti at Andrea Gutierrez.
Nagsilbing red carpet host naman ang veteran radio-online personality na si Mr. Fu.
Naging isa sa mga highlight ng event ang pagbibigay-pugay sa bagong batch ng EDDYS Icons na itinuturing nang mga haligi ng movie industry. Ito ay sina Nova Villa, Leo Martinez, Lito Lapid, Eva Darren at Gina Alajar.
Isang posthumous award naman ang ipinagkaloob sa yumaong comic strip creator, movie producer at direktor na si Carlo J. Caparas, na tinanggap ng kanyang mga anak na sina Peach at CJ Caparas.
Iginawad din ng SPEEd ang The EDDYS Box Office Heroes kina Dingdong Dantes, Marian Rivera, Alden Richards, Julia Montes, Kathryn Bernardo at Piolo Pascual na malaki ang ambag sa muling pagbangon ng Philippine movie industry.
Ang Isah V. Red Award (para sa mga walang sawang tumutulong at nagbibigay-inspirasyon sa mga kababayan nating nangangailangan) ay ipinagkaloob kina dating Ilocos Sur Governor Luis “Chavit” Singson at Quezon City Mayor Joy Belmonte.
Ang tumanggap ng parangal ng huli ay ang kanyang amang si dating Mayor at House Speaker Sonny Belmonte.
Ang Joe Quirino Award ay iginawad sa beteranang broadcast journalist na si Korina Sanchez, habang ang veteran entertainment columnist na si Ronald Constantino ang tumanggap ng Manny Pichel Award.
Ngayong taon, ang Rising Producer Circle Award ay ipinagkaloob sa Mentorque Productions, producer ng mga pelikulang My Father Myself at Mallari.
Ang Brightlight Productions ang line producer ng awards night.
Sa pakikipagtulungan ng Newport World Resorts at ALLTV, kasama pa rin ng SPEEd sa pagtatanghal ng The 7th EDDYS ang Globe Telecom at iFern/Kim’s Diary bilang major sponsors.
Katuwang din ng grupo ngayong taon sina DILG Secretary Benhur Abalos, Mayor Albee Benitez, ang Beautéderm ni Rhea-Anicoche Tan, Unilab, Frontrow, Kat Corpus Atelier, Sen. Chiz Escudero, Sen. Bong Revilla, Camille Villar, Sen. Nancy Binay, former Ilocos Sur Governor Chavit Singson, Congressman Arjo Atayde, Emelette Gorospe, Rowena Gutierrez, Kamiseta, Casa Juan at Echo Jham Entertainment Production.
Nagsilbi namang official auditor ang Juancho Robles, Chan Robles & Company (CPAs).
Ang annual event na ito mula sa samahan ng mga entertainment editor sa Pilipinas ay nagbibigay ng pagkilala at pagpapahalaga sa mga pelikula at personalidad na itinuturing na “best of the best” sa Philippine cinema.
Ang SPEEd ay binubuo ng current at former entertainment editors ng mga leading newspaper at online site sa Pilipinas, sa pangunguna ng presidente nitong si Salve Asis ng Pilipino Star Ngayon at Pang Masa.