
Jojo Mendrez tutuluyan nang kasuhan si Mark Herras?


SUNUD-sunod ang mga kontrobersiyang kinasangkutan ng tinatawag na Revival King na si Jojo Mendrez.
Una, iniugnay siya sa semi-retired actor na si Mark Herras matapos silang makitang magkasama sa Okada Hotel Resorts and Casino. Nang mag-launch ng kanyang bagong kantang “Nandito Lang Ako” sa Dapo Restaurant sa Quezon City, dumating pa si Mark na may dalang bulaklak. Pagkatapos ng naturang eksena, nag-hyper ventilate diumano si Jojo kaya hindi natapos ang presscon.
Pangalawa, naispatan muli si Jojo sa Okada (his favorite hangout place, we guess) pero hindi na si Mark ang kasama kundi ang Starstruck alumnus din na si Rainier Castillo. For whatever reason, isa uling semi-retired actor ang kasama ng singer.
Sa sumunod na pagharap ni Jojo sa media na ginanap sa ABS-CBN, muling natanong sa kanya ang tungkol sa closeness niya kina Mark at Rainier.
Muli, itinanggi niyang gimik ito para sa kanyang singing career. “Nagkataon lang na may nakakakita sa amin, nakukunan kami ng litrato at nalalagay sa social media,” paliwanag niya.
Sa totoo lang, hindi na siguro kailangan ng gimik, lalo pa’t mga personalidad na hindi na masyadong napapanood o pinag-uusapan ang mga nasasangkot. Makakatulong ba ito sa kanyang singing career? Maganda ang kanyang awiting “Nandito Lang Ako” na sinulat ni Jonathan Manalo, isa sa pinaka-prolific songwriters sa bansa, at isa rin sa most streamed. At maayos ang kanyang interpretation sa kanta na may tunog na maging isang hit.
Pero ang mga sumunod na pangyayari ay tila naging mas malala sa basta ugnayan o relasyon sa pagitan nina Jojo at Mark. Muling nagpatawag ng presscon ang kampo ni Jojo para i-announce na tinatapos na nito ang ugnayan o pakikipagkaibigan nila ni Mark. Dahil nga sa magandang samahan nila ni Rainier, dumating diumano sa puntong hindi ito nagustuhan ni Mark at nakapagbitaw ito ng mga salitang may pagbabanta ng physical harm sa buhay ni Jojo.
Nagsimula diumano ang mga di magandang pangyayari sa gabi ng PMPC Star Awards Night kung saan dapat ay magpi-present ng isang award si Jojo, kasama si Mark. Pero, ayon sa kampo ni Jojo sa pangunguna ng kanyang manager na si David Bhowie, umalis si Mark dahil nagkaroon daw ito ng emergency sa bahay at hindi na mahihintay ang naturang segment. Sa kabiglaanan, tinawagan ng manager ni Jojo si Rainier para humalili kay Mark sa pagsama kay Jojo sa naturang segment.
Hindi ito diumano nagustuhan ni Mark at nagbanta kay Jojo. At bilang pagprotekta sa kanyang personal na kaligtasan, sumugod ito kasama ang isang abogado, si Atty. Chiqui Advincula para magreport sa Kamuning Police Station. Sa ngayon, balitang dadalhin nila ito sa Prosecutors Office sa Quezon City Hall of Justice para sa isang pormal na pagsasampa ng kaso.
Saan hahantong ang kontrobersiyang ito sa pagitan nina Jojo at Mark? Abangan.