Untold

Jodi kumasa sa bulate’t palaka sa ‘Untold’

April 1, 2025 Ian F. Fariñas 206 views

Untold1MISMONG si Direk Derick Cabrido pala ang pumili kay Jodi Sta. Maria para magbida sa psychological/horror film na “Untold,” ang pinakabagong handog ng Regal Entertainment na showing na sa April 30.

Unang nagkasama ang dalawa sa horror/dramang “Clarita” noong 2019.

Ayon kay Jodi, matapos ‘yon ay binalak niya na tigilan na ang paggawa ng horror movies.

Kaso, after more than five years, muli umanong lumapit si Direk Derick para i-pitch ang “Untold” na, incidentally, ay kauna-unahan niyang project sa Regal.

“Ewan ko ba, sabi ko na lang, ‘sige, direk, pag-usapan natin,” kwento ni Jodi sa grand mediacon ng pelikula na ginanap sa 38 Valencia Events Place nitong Lunes ng hapon.

Nu’ng mabasa ang script, agad itong nagustuhan ng Kapamilya actress.

“Kasi kakaiba siya,” katwiran ni Jodi.

Ginagampanan niya rito ang papel ng isinumpang fake news peddler/reporter na si Vivian Vera.

Malaki umano ang tiwala ng aktres sa pagiging collaborative director ni Direk Derick kaya naman kahit may mga bulate o palaka sa eksena, game pa rin niya itong ginawa.

Tsika ni Direk Derick, “Sobrang ano siya, eh, sobrang game siya na gawin ‘yung mga bagay na ‘yon. Mahirap ‘yung shooting kasi nu’ng time na ‘yon uulan, sisikat ‘yung araw. May time pa na binaha ‘yung set kasi bumagyo. So nasira ‘yung set, ‘yung bahay.”

Meron pa raw time na hindi sila nakapag-shoot ng establishing shots dahil gabi na nila nakunan at pagtingin nila, hanggang beywang na ang tubig tapos puro ipis pa sa paligid.

Ganito man ang na-experience nila sa shoot, pawang kuntento naman ang lahat sa kinalabasan ng pelikula.

Sey nga ng executive producer na si Keith Monteverde, sobrang proud at impressed siya sa “Untold”.

“The cast is super good and Direk Derick did a great job putting the film together,” dagdag ni Keith.

Anyway, kasama ni Jodi sa cast ng “Untold” sina Gloria Diaz, Joem Bascon, Kaori Oinuma, Juan Karlos Labajo at Lianne Valentin.

Rated R-13 without cuts, magkakaroon ito ng global release sa Hong Kong, Guam, US, Canada at iba pa sa pakikipagtulungan ng ABS-CBN International at The Filipino Channel (TFC).

AUTHOR PROFILE