
Jodi ang lalang manakot!
Grabe si Jodi Sta. Maria, ang lalang manakot! Kung nadadala niya ang audience sa pag-iyak-iyak sa mga pelikula at seryeng drama, nadadamay naman niya ang mga ito sa pagkatakot at pangingilabot sa pagbabalik niya sa horror genre.
Ito nga ang na-experience ng mga nanood sa celebrity world premiere ng latest movie niyang “Untold,” na ginanap Martes ng gabi sa SM Megamall at dinaluhan ng Kapamilya bigwigs na sina Charo Santos-Concio, Cory Vidanes, Direk Lauren Dyogi at marami pang iba.
Napuno nga ng tilian, hiyawan ang Cinema 3 dahil sa maya’t mayang jump scare scenes ni Jodi na bagay na bagay sa karakter niyang si Vivian Vera, ang napaka-ambisyosang TV reporter na hayok sa pang-i-scoop.
May kinalaman ang pagiging masigasig ni Vivian na makakuha ng viral stories sa kagustuhang sumikat at maipagamot ang inang ginagampanan ni Gloria Diaz.
Ang hindi niya alam, ang pagiging iskupera niya ang magpapahamak sa kanya pati na sa kanyang mga mahal sa buhay.
Isa na nga rito ang cameraman-partner niyang ginagampanan naman ni Joem Bascon.
Fresh ang atake at pagkakalatag ni Direk Derick Cabrido sa istorya ng “Untold.” Kakapit ka sa kwento na very now ang feel sa palitan ng dialogue ng mga karakter, lalo na sa mga eksenang may kinalaman sa social media at digital world.
Malaking tulong ang paggamit ng movie sa mga makabagong termino para mas maka-relate ang audience sa mensaheng gusto nitong iparating pagdating sa usapin ng mental health.
Mula sa ideya ng Regal producer na si Roselle Monteverde, showing na sa mga sinehan ang “Untold”, na binigyan ng “R-13 without cuts” rating ng Movie and Television Review and Classification Board (MTRCB).
Bukod sa ’Pinas, mapapanood din ang “Untold” sa Hong Kong, Singapore, US, Canada, Guam at Saipan simula bukas, May 2.
Ang mga estudyante, may special discounted rate na P250 sa piling-piling cinemas.
Kasama nga rin pala sa pelikula sina JK Labajo, Mylene Dizon, Lianne Valentin, Kaori Oinuma, atbp.