
Jinggoy: Pekeng celebrity ads sa socmed imbestigahan

NANAWAGAN si Senador Jinggoy Ejercito Estrada na magsagawa ang Senado ng imbestigasyon sa lumalaganap na mga pekeng online endorsements ng mga sikat na personalidad at mapanlinlang na mga advertisement posts sa social media sa mga binebentang produkto na hindi rehistrado.


Naghain si Estrada ng Senate Resolution No. 666 at dito binanggit nya ang panganib na idinudulot sa mga konsyumer ng naglipanang online marketing materials at impostor pages o accounts na nagpo-promote ng mga hindi rehistradong produkto para sa iba’t ibang karamdaman o benepisyo sa kalusugan gamit ang mga pangalan at larawan ng mga lokal na personalidad at sikat na mga artista.
“Ang ganitong advertisements ay naglilinlang sa mga mamimili na ang mga sikat na personalidad ay gumagamit at nag-eendorso ng pagkain at gamot na hindi pa rehistrado sa mga kinauukulang ahensya at hindi pa aprubado para ipamahagi at ibenta sa publiko,” aniya.
Sinabi pa ni Estrada na marami na ang nakapanood at nag-share ng ganitong maling impormasyon tungkol sa epekto, kalidad at kaligtasan ng pagkain, gamot at mga produktong pangkalususan na kalat na ngayon sa social media platforms.
“Ang pagkalat at pagdami ng mga mapanlinlang na online na patalastas ay malinaw at tahasang paglabag sa Consumer Act na nagpaparusa sa pagpapakalat ng mga mapanlinlang na sales promotion practices,” paliwanag niya.
Inihalimbawa ni Estrada ang mga ulat tungkol sa diumano’y pag-endorso ng produkto ni Dr. Willie Ong, isang internist at cardiologist na may maraming social media followers, sa isang mixed nuts na “miracle food.” Binanggit din niya ang napabalitang paggamit ng pangalan at larawan ni Dr. Tony Leachon upang ipahiwatig ang kanyang paggamit at pag-endorso sa isang produktong gamot diumano sa sakit na diabetes.
“Kailangan na agarang maprotektahan ang mga mamimili laban sa pagkonsumo ng mga hindi rehistrado at posibleng mapanganib sa kalusugan na mga pagkain at produkto sa pamamagitan ng mahigpit na pagpapatupad ng mga probisyon ng Consumer Act at regulasyon sa mga mapanlinlang na advertisements sa social media platforms,” pahayag ni Estrada.
Idiniin din ng batikang mambabatas ang pangangailangan na matukoy at matugunan ang mga posibleng butas sa mga umiiral na batas at regulasyon ng bansa pati na ang pag-update sa mga probisyon ng mga ito sa harap ng malawakang paggamit ng social media platforms at cyberspace, gayundin ang nakakabahala na paggamit ng mga malisyosong manipulated images, spliced videos at gawa-gawang pahayag sa pag-promote ng mga pagkain at produktong pangkalusugan.
Samantala, mariin na sinang ayunan naman ni Doc Tony Leachon, ang gagawin imbestigasyon ng Senado sa pamumuno ni Sen. Estrada kung saan ay sinabi nitong napapanahon na upang bigyan tuldok ng gobyerno ang ganitong pananamantala ng mga sindikato sa social media na bumikbiktima ng mga inosente nating kababayan.
Si Leachon na kilala bilang isang Health Reform Advocate at dating National Task Force Covid-19 adviser sa ilalim ng dating administrasyon ay mariin nagpaliwanag sa problemang idudulot ng panloloko at pananamantala ng ilang tao gamit ang mukha ng mga kilalang indibidwal.
“Tama naman si Sen. Estrada. I urge proper government authorities to get to the bottom of this issue. It needs proper evaluation in order to make sure that innocent people will not fall as victims,” ani Leachon.
Iginiit din ni Leachon ang halaga at importansya ng mga tamang ahensya na makapagbibigay ng kanilang opinyon, karanasan at dunong sa larangan na kanilang kinabibilangan tulad ng NBI, FDA, mga propesyonal na doctor na dalubhasas sa kanilang larangan gayundin ang Regulatory Commission na may malaking bahagi sa kanya pananaw.
“The most expensive drug is the one that does not work. We have to be vigilant and our law should impose stiffer penalties because the danger and the harmful effect of the so-called fake drug is real specially for those who only rely on social media. The presence of FDA, Regulatory Commission, the NBI and the Medical Professionals will be of great help if they can impart their expertise in the said hearing. Maraming mga kababayan natin lalo’t matatanda ang mabilis maniwala at kadalasan hindi na nag ve verify. Its about time. ” giit ni Leachon.
“The cybercrime law in the Philippines should be reviewed and amended to review penalties and provide more muscle and teeth to apprehend unscrupulous individuals preying on unsuspecting patients using credible medical professionals and prevent these social media criminals to sow misinformation, fake news and disinformation that would potentially harm, injure or even kill people through false advertising,” dagdag pa ni Leachon.