Jinggoy

Jinggoy inendorso ng INC para senador

May 5, 2022 People's Tonight 350 views

KABILANG si dating senador Jinggoy Estrada sa labindalawang kandidato pagka-senador na opisyal na susuportahan ng Iglesia ni Cristo (INC) sa darating na halalan sa Lunes, Mayo 9.

Sa listahang inilabas ng INC TV channel na Net 25 noong Martes, sinabi ng Iglesia na pinamumunuan ng tagapamahalang pangkalahatan kapatid Eduardo V. Manalo na isa si Estrada sa mga napiling iendorso ng kanilang simbahan.

Kilala ang INC sa tinatawag na “block voting” tuwing halalan.

Bukod kay Estrada, kasama ding inendorso ng INC sina dating bise presidente Jejomar Binay, Senator Loren Legarda at iba pa.

“Maraming-maraming salamat po sa Iglesia ni Kristo, lalo na kay Ka Eduardo, sa pagtitiwalang ibinigay niyo sa akin at sa aking mga kasama. Nangangako po akong paglilingkuran, sa abot ng aking makakaya, ang ating mga kababayan lalo na ang hanay ng mga manggagawa,” ani Estrada.

Bukod sa INC, inendorso din si Estrada ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte kamakailan.

Tumatakbo bilang senador sa ilalim ng Bongbong Marcos-Sara Duterte UniTeam ticket ang beteranong mambabatas na nagsilbing chairman ng Senate Labor Committee sa loob ng 12 taon at kilala sa kanyang adbokasiya para sa mga karapatan ng manggagawang Pilipino.

Siya ang principal author at co-author ng maraming panukalang naglalayong magbigay proteksiyon sa mga manggagawa.

Kinikilala din siya bilang ama ng “Kasambahay Law”, isang batas na nagtataguyod sa interes at kapakanan ng mga kasambahay sa bansa.

Inilatag niya sa Republic Act 10361 o “Kasambahay Law” ang mga pribilehiyo at karapatan ng mga kasambahay.

Panganay na anak ni dating Pangulong Joseph Estrada, nagsilbi si Jinggoy bilang senador mula 2004 hanggang 2016 sa ilalim ng Pwersa ng Masang Pilipino (PMP).

AUTHOR PROFILE