
Janno sa Lea backstage issue: Sana lang nasabi niya nang mas maayos
Sa gitna ng dressing room incident na kinasasangkutan ni Lea Salonga, naglabas ng kani-kanilang opinyon sina Janno Gibbs at Neri Naig-Miranda tungkol dito.
Sa kanyang Instagram Story, ni-repost ni Janno ang viral video ni Lea na pinagsimulan ng issue. Sa sumunod na IGS niya ay nagbigay siya ng kanyang reaksyon tungkol dito.
Agree ang singer na talagang bawal pumunta sa dressing room ng artist kung wala sa guest list. Pero sana raw ay nasabi nang maayos ng Broadway star.
“Nasa tama naman si Lea. Bawal talaga sa dressing room/backstage kung wala sa listahan. Sana lang nasabi niya ng mas maayos. ‘Yung hindi mapapahiya ang fans. Sa akin lang nmn,” ani Janno.
Sa Facebook post naman ni Neri, sinabi niyang fan na fan siya ni Lea pero hindi niya ginawa ‘yung magpunta sa dressing room nito para magpa-picture.
“I LOVE LEA SALONGA. Grabe pagka fan ko kay Lea Salonga. Lahat ata ng nakakakilala sa akin personally, maka Lea talaga ako,” sey ni Neri.
At ikinuwento niya ang experience nang manood siya ng concert ng iniidolong Broadway star kasama ang mister na si Chito Miranda.
“Nung nanood kami ng concert nya at sinama ako ng asawa ko. Nagkaroon kami ng chance na magpapicture sa kanya. Pero hindi kami pumunta sa dressing room nya. Naghintay kami sa gilid ng stage, waiting for her na magpalit ng casual attire kase naka gown sya nun,” kwento ni Neri.
Sey pa niya, kahit magkakilala sina Chito at Lea ay hindi nag-dare ang asawa niya na pumasok sa dressing room nito. Hindi rin nila ginamit ang kapatid ni Lea na si Gerard Salonga para makiusap na ipasok sila sa kwarto.
“Kahit kakilala ni Chito si Ms Lea, never syang nag insist na pumasok kami sa dressing room nya. Or kinulit si Sir Gerard Salonga na papasukin kami sa dressing room ng kapatid nya. Naghintay kami kasama ng iba pang gustong magpapicture kay Ms Lea,” aniya.
“Pagkalabas naman nya, inisa isa nya lahat ng gustong magpapicture sa kanya. And hindi lahat ng andun ay artista or producers, lahat ng andun mga fans na nanood ng concert nya na naghihintay ng turn na makapagpapicture sa nag iisang Lea Salonga,” patuloy ni Neri.
Bilang suporta kay Lea ay nakiusap din ang misis ni Chito sa mga tao to be nice.
“Let us all be nice,” sey ni Neri.
Matatandaang nagsimula ang issue nang mag-upload ang isang fan ng video sa FB kung saan ay makikitang pumunta sila sa dressing room ni Lea matapos manood ng play nito sa New York at hinihiling na magpa-picture.
Sinabihan ni Lea ang fans na hindi niya maa-accommodate ang mga ito sa dressing room for security purposes lalo pa nga’t wala ang mga ito sa guest list.
Maayos niya namang sinabi sa fans na pumunta sa may entrance ng venue at doon siya magpapa-picture.