Jake

Jake, ’di pa naka-move-on sa breakup nila ni Kylie

November 27, 2022 Vinia Vivar 333 views

Naging emosyonal si Jake Cuenca sa grand media conference ng Metro Manila Film Festival 2022 official entry My Father, Myself na ginanap sa Novotel Hotel recently.

Napaiyak ang aktor nang purihin ng press sa kanyang mahusay na pagganap sa nasabing pelikula matapos ipakita ang trailer sa mediacon.

Sa trailer pa lang, kitang-kita na agad na napakalaki ng tsansa niyang magwaging Best Actor.

“Naririnig ko lang na sinasabi n’yo sa akin ‘yan, naririnig ko lang na pinupuri ako ni Direk Joel (Lamangan, the director of the film), naririnig ko lang na pinupuri n’yo ‘ko, ang laking bagay na talaga sa ‘kin niyan,” sey ni Jake na nagsimula nang mapaiyak.

“Ano kasi, itong pelikulang ‘to, sa totoo lang, hindi pa ‘ko handa talagang magtrabaho pa, I wasn’t ready to work yet. Pero kasi, rather than shy away from it, rather than matakot, buong puso ko siyang tinanggap. And it’s exactly what I needed in my life at that time.

“So, for me, sa totoo lang, pagkatapos ng lahat ng nangyari nitong pandemya na ‘to, lahat ng pinagdaanan nating lahat, makarinig lang ako ng puri sa inyo, makita ko lang kayo, maka-face to face ko lang lahat ng tao, mapuri ako ni direk nang ganito, laking bagay na po sa akin ‘nun. Panalo na po ako ru’n. So, maraming, maraming salamat po,” patuloy ni Jake.

Obvious na may pinagdaraanan ang aktor at kahit hindi niya banggitin kung ano, alam naman nating lahat na kagagaling lang niya sa breakup with Kylie Verzosa.

Matatandaang kinumpirma niya ang hiwalayan sa kanyang Instagram account April this year at pagkatapos nu’n ay wala nang narinig pa sa aktor tungkol dito.

After the mediacon ay nakatsikahan namin si Jake at kinumusta kung kumusta na sila ni Kylie after the breakup at kung friends naman sila.

“Wala pa kami sa point na nag-uusap, eh. But everything I said in my post (sa IG), I meant it with my heart talaga. And until now, alam mo ‘yun, parang… until now, ‘yung post na ‘yun, I really shot from the heart. Like hindi ko in-edit, sinabi ko lang isang beses, tinayp ko, so… that’s really how I feel about it,” sey ni Jake.

Ayon pa sa aktor, hanggang ngayon ay hindi pa siya handa na pag-usapan ang breakup.

“To be honest, right now, I know a lot of months have passed pero hindi pa ‘ko handa to really talk about it and elaborate on my last relationship,” he said.

Inamin din ng aktor na hindi pa rin siya nakaka-move-on sa hiwalayan.

“Sabi nga ng tatay ko sa akin, three years ‘yung relationship na ‘yun, so, ilagay mo nang one year and a half bago ka maka-move-on completely, so wala pa tayo do’n. We’re just six months in,” aniya.

Nang may pumuna na parang ito na yata ang relasyon niya na pinaka-nasaktan siya, hindi naman ito itinanggi ni Jake.

“Well, siya lang din naman ang tiningnan ko na ganu’n. Siya rin lang naman ‘yung kinaya kong magsalita na may konting finality, ‘di ba, pagdating sa relationship.

“Pero wala, that’s life, ‘di ba? Like I said earlier, ako, tanggap ko na ang buhay. Hindi naman na ako bata, I know life is not perfect, things don’t always go your way.

“But life is beautiful, ‘di ba? And I accept it in all its terms and conditions. I take life with the good and the bad,” pahayag ni Jake.

Thankful ang aktor na dumating ang My Father, Myself sa panahong may pinagdaraanan siya at dito niya ibinuhos ang lahat ng hugot at sakit na kanyang nararamdaman.

Showing na sa Christmas Day, December 25, ang My Father, Myself sa mga sinehan bilang entry sa 2022 Metro Manila Film Festival (MMFF).

Kasama rin sa movie sina Sean de Guzman, Dimples Romana at Tifanny Grey. Produced ito ng Mentorque Productions at 3:16 Media Network.

AUTHOR PROFILE