
iWantTFC nagpasiklab, star-studded 2022 originals ipinasilip
Binuksan na ng iWantTFC ang bagong regalo nito sa ginanap na “iWantTFC Unwrapped” event noong Biyernes (Disyembre 10) kung saan ipinakilala ang mga bituin at creator ng bagong originals na ipapalabas sa susunod na taon.
Magtutuluy-tuloy ang kilig nina Max at Deib (Belle Mariano at Donny Pangilinan) sa He’s Into Her, kung saan matitikman nila ang tamis at pait ng pag-ibig bilang bagong magkasintahan.
Kasama nilang babalik sa Benison sina Joao Constancia, Criza Taa, Kaori Oinuma, Vivoree Esclito, Jeremiah Lisbo, Gello Marquez, Ashley De Mundo at Dalia Varde.
May bagong teen barkadang makikilala sa Tara G, tampok sina Daniella Stanner, Anthony Jennings, Kaori, Vivoree, JC Alcantara, Zach Castaneda at CJ Salonga.
Kakaibang love story naman ang hatid nina Janine Gutierrez at Lovi Poe sa unang project na pagbibidahan nilang dalawa, ang Sleep With Me.
Bibida si Angelica Panganiban sa The Goodbye Girl, base sa libro ng best-selling author na si Noreen Capili, tungkol sa iba’t ibang klase ng babae at ng mga paraan nilang mag-move-on mula sa pagiging sawi sa pag-ibig.
Tampok dito ang real-life sweethearts na sina Loisa Andalio at Ronnie Alonte, Maris Racal at Rico Blanco, pati sina Barbie Imperial, Elisse Joson, JC De Vera, RK Bagatsing, Turs Daza at Joshua Colet.
Makakasama sa Click Like Share Season 3 sina Belle, Elmo Magalona, Jane Oineza, JC Alcantara at Vivoree para idiin ang kahalagahan ng responsableng paggamit ng social media.
Unang beses namang pag-aagawan si Francine Diaz ng tatlong leading men sa Bola Bola, kung saan makakapareha niya sina Akira Morishita ng BGYO at Ashton Salvador at KD Estrada ng The Squad Plus. Dito, lulutuin ni Francine ang feelings niya at gagawing isang masarap na merienda para mapaibig ang crush niya.
Magpapaiyak ang mag-inang Sylvia Sanchez at Ria Atayde’s sa Mother’s Day offering ng iWantTFC na Mrs. Piggy, tungkol sa isang inang nasubsob sa paghahanapbuhay kaya’t hindi na niya namalayan ang paglaki ng mga anak niya.
Unang batch pa lang ito ng bagong originals na darating sa iWantTFC dahil marami pa itong hinahanda para sa 2022.
Samantala, ipapalabas din sa iWantTFC ang MMFF 2021 entry na Kun Maupay Man It Panahon (Whether The Weather Is Fine) nina Charo Santos at Daniel Padilla.
Itinampok naman sa “iWantTFC Unwrapped” ang isang live production number mula sa DonBelle at ang trailers ng inaabangang “F4 Thailand” na mapapanood na simula Disyembre 18.
Nariyan din ang mga Kapamilya teleseryeng 2 Good 2 be True ng KathNiel, Darna: The TV Series, The Broken Marriage Vow at Love in 40 Days na unang ipapalabas sa iWantTFC bago sa telebisyon.
Mapapanood na rin ang iWantTFC sa mas malaking screen sa piling devices gaya ng VEWD, ROKU streaming devices, Android TV, piling Samsung Smart TV models, Telstra TV para sa users sa labas ng Pilipinas, at VIDAA para sa piling mga bansa.
Available rin ang iWantTFC via Chromecast at Airplay.