Default Thumbnail

Iwaksi ang Americanization mindset

June 24, 2023 Magi Gunigundo 219 views

Magi GunigundoNAKAKADISMAYA ang mga komento sa twitter, na nangangamoy ng kamangmangan sa karapatan na mag-aral sa wikang alam ng mga batang Pilipino (na hindi taal na nagsasalita ng Ingles) at ang kahalagahan ng mga wikang Pilipino sa ilalim ng konstitusyon ng isang soberanyang bansa, tungkol sa pagsisiyasat ng Senado sa pagpapatupad ng Mother Tongue Based Multi Lingual Education, ang ubod ng K to 12 law. Nakakasuka ang parokyalismo sa wika ng mga pulitiko, guro, tagamasid at iba pa na nakakulong sa Americanization mindset sa kabila ng UN SDG 4 -equitable and inclusive education for all.

Ang parokyalismo sa wika ay saloobin na ang multilingguwalismo ay hindi kapaki-pakinabang at maaaring makasama pa nga. Negatibo ang bunga ng parokyalismo sa aspetong intelektuwal, ekonomiya at pulitika -at pinapatag nito ang daan para malipol ang linguwistika at kultura ng mga Pilipino na may 170 wika, hindi pagkakaisa at hindi pagkakapantay-pantay, at pagbubukod ng mayaman at mahirap. At ang ugat ng parokyalismo ay maaaring matunton sa doktrina ng “benevolent assimilation”, na nagbigay-katwiran sa pagsakop ng Pilipinas ng mga Amerikano sa pagpasok ng ika 20th siglo. Ginamit nito ang mga pampublikong paaralan bilang kasangkapan sa pagtataguyod ng Ingles bilang wika ng pagtuturo sa mga bagong nakuhang teritoryo ng US mula sa España sa ilalim ng Treaty of Paris noong Disyembre 10, 1898.

Ang pambansang motto ng USA – E Pluribus Unum- isa mula sa marami , ay isang kumplikadong pilosopiya. Habang umaasa ang mga Amerikano na bumuo ng isang bansa mula sa maraming tao at kultura, ang lipunang nilalayon nitong likhain ay isa na nagtatanggol sa mga indibidwal na karapatan upang mapanatili ang mga pagkakaiba (Judith Lessow-Hurley, The Foundations of Dual Language Instruction,©2000, p.147). Para itong isang kalderong kumukulo (Gleason, 1984) at may bahid ng “Mckinleyan assimilationism” na ang diin ay sa “unum”. Bagama’t ang kaldero ay naisip bilang isang proseso ng pagsasanib ng sari-saring etniko at lahi na bahagi ng migrasyon patungo sa Amerika, ang isang indibidwal ay inaasahang mag-astang Amerikano- sa bihis, tunog, at kilos tulad ng isang puting tao nanggaling sa hilagang Europa.

At ninamnam ng mga Pilipino ang pag-aaral ng Ingles bilang ganti sa mga Kastila. Sa pagsusulit sa serbisyong sibil noong 1901 na ibinigay sa Ingles o sa Espanyol, dalawang Pilipino lamang ang kumuha ng pagsusulit sa Ingles, laban sa 1,078 sa Espanyol. Ngunit noong unang bahagi ng 1906, ang bilang ng mga kumuha ng pagsusulit sa Ingles ay lumampas sa mga nasa Espanyol at noong 1913, mayroong 6,901 na kumuha ng pagsusulit sa Ingles kumpara sa 769 lamang sa Espanyol(Onofre D Corpuz, The Bureaucracy in the Philippines, 1957, binanggit ni John N Schumacher S.J., A Hispanized Clergy in an Americanized Country(1910-1970) Philippine Studies 38(1990). Mataas ang tingin ng mga tao sa Amerika at sa wikang Ingles bilang kasangkapan para sa panlipunan at pang-ekonomiyang pag-angat. Suportado ng maraming Pilipino ang kilusan na maging estado ang Pilipinas ng Amerika. Maaaring ipaliwanag ng ganitong saloobin ang katahimikan ng Konstitusyon ng 1935 sa papel ng mga lokal na wika ng mga Pilipino sa ilalim ng bandila ng Amerika.

Pagsapit ng 1946, maliwanag na ang Pilipinas ay hindi magiging ika-51 estado ng US. Nakalulungkot na ang Saligang Batas ng 1973 ay nanatiling tahimik sa papel ng mga lokal na wika ng Pilipinas sa kabila ng soberanya. Sinamantala ito ng Ministri ng Edukasyon noon na ipatupad ang bilingguwalismo gamit ang dalawang pangalawang wikang panturo (Ministry Order 74 Series of 1974).Binalewala ng MO 74 ang 1925 Monroe report at iba pang mga pagsasaliksik ng mga eksperto.

Ang pagtuturo gamit ang unang wika ng bata ay utos ng Seksyon 7 Artikulo XIV ng 1987 Konstitusyon na sa wakas ay kinilala ang mahalagang papel sa lipunan ng mga wikang Pilipino na wala sa Konstitusyon ng 1935 at 1973. Ito ay malalim na paraan ng paggalang sa kultura ng bata at pinahahalagahan ang dignidad ng bata at ng kanyang lahi (Sec 11,13,22 Article II ). Ang hakbang na alisin ang unang wika ng bata sa paaralan ay taliwas sa 1987 Konstitusyon.

Sa paglipas ng panahon, lumipat rin ng diin ang US sa pluribus- isang pluralistang pananaw na posibleng magkaisa habang pinapanatili pa rin ang pagkakaiba-iba na hinalintulad sa isang mangkok ng salad na ang mga sangkap ay gumagawa ng kontribusyon sa kabuuan, ngunit ang bawat isa ay nagpapanatili ang sarili nitong natatanging pagkakakilanlan. Mula sa isang kalderong kumukulo, mangkok ng salad ang angkop na imahe ng multilingguwalismo. Iwaksi na ang Americanization mindset na isang kabaliwan sa 21st siglo dahil imposible na maging estado pa tayo ng Amerika.

AUTHOR PROFILE