
Ivana napikon, bet sapakin ang ‘boyfriend’ ni Mona
Na-prank nang bonggang-bongga si Ivana Alawi ng kanyang pamilya nang may ipakilalang boyfriend ang bunso niyang kapatid na si Mona Alawi.
Kasabwat ni Mona ang kanyang Mama, Kuya Hash at ang fake boyfriend na nagpakilalang Jake Santos.
Mapapanood sa latest vlog ni Ivana ang buong pangyayari mula sa pagluluto nila ng lunch hanggang sa pagdating ng fake BF na kunyari ay schoolmate ni Mona hanggang sa bonggang rebelasyon na ikinawindang ng aktres.
Pagdating pa nga lang ng binata sa bahay nila ay kitang-kita nang naloka si Ivana nang magpa-picture agad ang guy sa kanya.
Habang kumakain nga sila ay nagpakita na ng pagka-antipatiko ang binata kaya makikita ang reaksyon ni Ivana na parang hindi makapaniwala sa mga sinasabi ng lalaki.
Maya-maya pa ay sinabi na ni Mona na nanliligaw ang guy sa kanya at kasunod nito ay biglang nagpaalam ang dalawa kay Ivana na pupunta sila ng Hong Kong nang sila lang dalawa.
Kitang-kita na nagulat si Ivana although hindi naman siya gaanong nagtaray pa.
Siyempre, tutol ang aktres na payagan ang dalawa na mag-out of the country pero laking gulat niya nang pumayag ang kanilang ina.
Mas lumala pa ang tensyon nang sabihin ni Jake na girlfriend na niya si Mona hanggang sa nagtalo na ang magkapatid.
May time rin sinabi ng binata na disente naman siya at katiwa-tiwala.
Sagot naman ni Ivana, “Wala akong sinabi na hindi ka disente, wala rin akong sinabi na hindi ka katiwa-tiwala.”
In fairness kay Ivana, talagang pinipilit niyang maging cool na kung sa iba ‘yan ay baka nasapak na ang guy dahil sa pagka-antipatiko nito.
Pati ang nanay nila ay nagsalita kay Ivana na 19 na naman si Mona kaya payagan na. Siyempre ito ay dahil kasabwat siya.
Sa bandang huli ay naubos na talaga ang pasensiya ni Ivana at nag-walk-out na. Although sinabi naman niya na papasok na siya sa kuwarto at matutulog na siya dahil pagod siya sa taping.
Sinundan ni Mona si Ivana sa kuwarto at may dalang flowers para suyuin ang kanyang ate. Dito na niya sinabi na “it’s a prank!”
Napamura talaga si Ivana nang malaman na prank lang ang lahat at kasabwat ang kanyang buong pamilya.
Lokang-loka siya na mukhang hindi talaga nahalata na pina-prank siya kahit beterana na siya sa ganyan.
“Sasapakin ko `yon!” sabi ni Ivana patungkol sa lalaki. “Buwisit na buwisit ako sa kanya!”
In fairness, ang gagaling namang umarte ng pamilya ni Ivana pati na si Jake dahil maiiinis ka naman talaga sa kayabangan at pagiging maangas niya.
Ayon kay Mona ay ilang buwan nilang pinaghandaan ang prank kaya no wonder na-perfect talaga nila ito.
Sa comment section ay pinuri ng netizens si Ivana sa pagiging protective ate at lahat sila’y aliw na aliw sa buong pamilya.