Showtime1

‘It’s Showtime’ iere sa GMA Network simula April 6

March 20, 2024 Ian F. Fariñas 86 views

MATIYAGANG inabangan ng fans at mga taga-industriya ang ginawang announcement ng GMA Network at ABS-CBN Corp. kahapon kaugnay ng kanilang makasaysayang kolaborasyon sa pagpapalabas ng noontime variety show na It’s Showtime sa Kapuso channel mula Lunes hanggang Sabado, 12 ng tanghali hanggang 2:30 ng hapon, simula Sabado, April 6.

Dumalo ang mga opisyal ng GMA at ABS-CBN kasama ang mga sikat na host ng It’s Showtime sa contract signing na ginanap sa GMA Studios.

Pinangunahan ito ng mga executive ng GMA Network na sina Chairman Atty. Felipe Gozon, president at CEO Gilberto Duavit Jr., executive vice president at chief financial officer Felipe Yalong at SVP for Programming, Talent Management, Worldwide and Support Group at GMA Films President at CEO Atty. Annette Gozon-Valdes.

Ang mga kumatawan naman sa ABS-CBN ay sina Chairman Mark Lopez, President at CEO Carlo Katigbak, Chief Operating Officer Cory Vidanes at Group Chief Financial Officer Rick Tan.

Kasama rin sa event ang mga host ng It’s Showtime na sina Vice Ganda, Anne Curtis, Vhong Navarro, Jhong Hilario, Kim Chiu, Ogie Alcasid, Karylle, Amy Perez, Teddy Corpuz, Jugs Jugueta, Darren, Ryan Bang, Ion Perez, Jackie Gonzaga, MC, Lassy at Cianne Dominguez.

Ang unprecedented move na ito ay patunay sa layunin ng dating magkaribal na network na patuloy na magbigay ng magagandang programa at maglingkod sa bawat Pilipino.

Malugod na pagtanggap ang ipinaabot ng GMA Network sa It’s Showtime at itinuturing ito bilang welcome addition sa patuloy na dumaraming programa nito para sa Kapuso viewers sa loob at labas ng bansa.

Taos-pusong nagpasalamat ang ABS-CBN at It’s Showtime sa GMA Network sa pagbubukas nito ng pinto at pagbibigay ng bagong plataporma para makapaghatid ng entertainment at saya sa mas maraming manonood sa buong bansa.

“Nagpapasalamat kami sa aming loyal viewers sa patuloy na suporta sa halos 15 taon at umaasa kaming makasama ang mga bagong manonood sa paggawa ng FUNanghalian moments sa GMA, GTV, GMA Pinoy TV at sa iba pang platform kung saan kasalukuyang napapanood ang It’s Showtime,” anila.

AUTHOR PROFILE