Dominic

Itinurong utak sa pagpatay sa negosyanteng si Dominic Sytin, naghain ng “not guilty plea”

April 21, 2025 Edd Reyes 166 views

NAGHAIN ng “not guilty plea” si Allan Dennis Sytin sa ginanap na pagbasa ng demanda laban sa kanya kaugnay sa kasong murder at frustrated murder Lunes ng umaga sa sala ni Manila Regional Trial Court (RTC) Judge Caroline L. Tobias ng Branch 7.

Humarap sa korte dakong alas-9 ng umaga para basahan ng demanda si Allan Dennis Sytin, 51, ang itinuturong utak umano sa pagpatay sa kanyang kapatid na si Dominic Sytin, founder ng United Auctioneers Incorporated, dahil sa umano’y hindi pagbibigay sa bahagi ng kita ng kompanya sa akusado.

Magugunita na binaril si Dominic Sytin sa tapat ng Lighthouse Hotel sa Subic Bay Freeport Zone sa Olongapo City noong Nobyembre 28, 2018.

Unang nadakip ang gunman na si Edgardo Luib noong Marso, 2019 na umamin sa krimen at nahatulan ng Olongapo RTC Branch 72 ng reclusion perpetua habang ang itinuturo umanong middleman na si Edrian T. Rementilla na may mga alyas na “Ryan Rementilla”, at “Oliver Fuentes”, ay nadakip noong Marso 22, sa Iligan City. Naghain din siya ng guilty plea sa Manila RTC Branch 7 nang basahan ng demanda noong Marso 27, 2025.

Nadakip din noong Marso 22, 2025 ng mga tauhan ng Royal Malaysian Police sa isang club sa Petaling Jaya, Selangor, Malaysia si Sytin at idinating sa bansa nitong Abril 11 ng gabi bago inilipat sa Manila City Jail-Male Dormitory batay sa utos ni Manila RTC Executive Judge Carolina Icasiano-Sison ng Branch 18.

AUTHOR PROFILE