Default Thumbnail

Isa sa sangkot sa ‘joyride’ ng inmate may kasong sexual harassment?

July 10, 2023 Marlon Purification 549 views

Marlon PurificationISA tayo sa nalungkot sa dinaranas na ‘pagsubok’ ngayon sa loob ng National Bureau of Investigation (NBI).

Matagal na panahon din kasi nating nai-cover ito noong tayo’y ‘police reporter’ pa kaya tulad ng PNP, napamahal na sa atin ang naturang ahensiya.

Iyong ibang line agent nga na kino-cover pa natin noon ay mga opisyal na ngayon, samantalang marami na rin sa kanila ang mga nagrerito na sa serbisyo, ngunit mga kaibigan pa rin natin sila.

Ganyan po ang naitanim nating ‘pakikisama’ sa NBI kaya kahit papano ay nakaka-scoop tayo noon at paminsan-minsan din naman ngayon.

I’M SORRY

Tama ang ginawang paghingi ng paumanhin ni NBI diretor Medardo De Lemos patungkol sa nag-viral na video ng isang nagsasayaw na seksing babae sa nakalipas nilang ‘command conference.’

“Humihingi po kami ng paumanhin, lalo na są mga kababaihan na nasaktan ang damdam, hindi po ganoon ang intensiyon namin,” ani De Lemos sa panayam ng media.

Tama rin naman ang sinabi niyang nakaalis na siya sa naturang ‘event’ nang mangyari ang ‘sexy dancing’ kaya hindi na niya ito napigilan.

Sa tingin ko rito, ilang taga-NBI ang ‘lumagpas’ sa ‘borderline’ para sa kasiyahan ng kanilang ‘socials.’

Nakalimutan ng ‘sponsor’ ng naturang dancer na okasyon po iyon ng NBI at hindi okasyon ng isang grupo ng pribadong kalalakihan.

Ngayong nag-sorry na si Atty. De Lemos, tama lang na bigyang tuldok na ang naturang kontrobersiya — maliban na lang kung may gagawing parusa si Justice Sec. Boying Remulla tungkol dito.

SEXUAL HARASSMENT

Samantala, hindi lang ‘sexy dancing’ ang nag-viral sa NBI ngayon.

Pati ang paglabas-pasok umano ng inmate na si Jose Adrian “Jad” Dera ay usap-usapan pa rin sa socmed.

Isinusulat ko ito’y itinapon na sa NBI Koronadal City si NBI Security Management Section (SMS) chief Adrian Feudo na halos nagkabulul-bulol ding magpaliwanag sa isinagawang Senate inquiry kung bakit nga naman nakalalabas ng selda si Dera at may escort pa umano ng mismong mga taga-NBI.

Mabuti nga at may tapat pang tauhan sa NBI na hindi nangahas na hulihin ang ‘escort service’ ng grupo ni Feudo.

Kudos sa NBI-National Capital Region sa pangunguna ni Chief Rommel Vallejo na agad kumilos nang malamang nakakalabas-pasok ang detenadong drug suspect.

Samantala, maraming importante ang nagsabi sa akin na isa raw sa sangkot sa pagdyo-joyride ni Jad Dera ay may nauna nang kaso ng ‘sexual harassment.’

Nangyari raw ito sa isang private office mismo sa NBI detention cell.

Ang biktima rito ay isang babaing NBI employee na ang status sa trabaho ay isang ‘job order.’

Diumano, ini-lock ni NBI man ang pintuan ng kwarto saka ginawan ng ‘kahalayan’ ang biktima.

Pumalag umano ang babaing NBI saka nagharap ng pormal na sumbong sa NBI Internal Affairs Division (IAD).

Ang kasong ito ay nasa NBI-IAD pa ngayon at sinabi ng ilang kaibigan natin sa ‘Bureau’ na kung una pa lang ay sinibak na si NBI man, malamang ay hindi na nangyari pa ang iskandalo ng paglabas-pasok ni Jad Dera są bilangguan.

Alam kong nagsasqgawa na ng imbestigasyon ang NBI-IAD sa sinasabing ‘sexual harassment case’ dahil tiyak hahanapin sa kanila ito ng Department of Justice (DOJ) at ng Senate mismo na nagsasagawa ng imbestigasyon patungkol sa pag-escort sa labas ng kulungan kay Jad Dera.

Sinabi ng isa naman nating importante na mabait naman daw itong si NBI man.

Tahimik lamang daw ito, ngunit kapag nakakainom na ng alak ay nawawala na sa ‘wisyo.’

Sabi ng isa pa nating Marites sa NBI, hindi lang daw isa ang babae ni NBI official kundi apat daw sila na pinagsasabay-sabay na karelasyon ni Sir.

Sabi ko tuloy, dinaig ni Boss Tsip si Marco Sison kasi ang batikang singer ay may tatlong babae lang sa kanyang kanta na ‘Si Aida, Si Lorna o si Fe!’

Pero si Boss Tsip ay apat.