Default Thumbnail

Ipit-Taxi Gang nag-level up na sa pangungulimbat

June 28, 2023 Edd Reyes 286 views

Edd ReyesNAG-LEVEL UP na pala ang diskarte ng ilang masasamang elemento ng lipunan na walang ginawa kundi ang mangulimbat ng salapi at gamit ng kanilang mga biktima.

Isa na rito ang mga miyembro ng “Ipit-Taxi Gang” na iniba na ang estilo dahil buking na sila ng pulisya sa tulong mg makabagong teknolohiya tulad ng mga nakakabit na close circuit television (CCTV) sa maraming lansangan, pati na rin ng global positioning system o GPS.

Sa GPS kasi, natutunton kaagad ng mga pulis at iba pang law-enforcement agency ang kinaroroonan ng mga suspek kung ang mga nakumlimbat nilang gadget sa kanilang mga biktima ay may ganitong uri ng gamit habang kaagad nahahabol ng pulisya ang kasabuwat ng taxi driver sa kanilang modus operandi sa tulong na rin ng mga nakakabit na CCTV.

Pero ngayon, nag-level up na rin ang mga dating miyembro ng Ipit Taxi Gang dahil hindi na nag-aabang kundi may sarili ng motorsiklo ang kasabuwat ng driver upang madaling makatakas kapag nakumlimbat na nila ang gamit ng biktima.

Hindi na rin sila basta-basta tumatangay ng gadget ang mga kawatan sa pangambang may nakakabit itong GPS kundi tanging salapi at mamahaling alahas ang kanilang kinukulimbat.

Kamakailan lang ay nag-viral sa social media ang post ng panghoholdap sa isang ginang ng kanya ng inarkilang driver at kasabuwat na naka- motorsiklo habang sakay ng isang SUV..

Habang tumatahak sa hindi nabanggit t na lansangan, biglang huminto ang driver ng SUV at sumakay ang isang rider na may suot na helmet at nagdeklara ng holdap.

Tanging salapi at mamahaling alahas lamang ang kinuha ng suspek at iniwan ang cellular phone kahit batid na mamahalin ito sa paniwalang may GPS ang gadget.

May mensahe naman ang ginang sa publiko na mag-ingat sa inaarkilang sasakyan at bibiyahe ng mag-isa, suot ang mga mamahaling alahas at may bitbit pang malaking halaga ng salapi dahil level up na raw ang mga dating miyembro ng Ipit Taxi Gang.

Serbisyong pangkalusugan, pinalakas sa Navotas

PINALAKAS pa pala ng Pamahalaang Lungsod ng Navotas ang kanilang programang pang-kalusugan nang buksan ang mga bagong pasilidad sa loob ng Navotas City Hospital (NCH), isang health center sa Barangay Tanza 2 at molecular laboratory sa North Bay Boulevard South (NBBS).

Mismong sina Mayor John Rey Tiangco at Cong. Toby Tiangco, kasama ang mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, ang nanguna sa inagurasyon ng karagdagang siyam na bed wards, laboratoryo, blood bank, tanggapang pang-administratibo at conference room sa loob ng gusali ng NCH

Sinabi ni Mayor Tiangco na taon-taon ay nadaragdagang ang kanilang mga kababayang nangangailangan ng atensiyong medical kaya’t nararapat lamang aniya silang magsikap ng husto upang madagdagan ang kagamitan sa NCH.

Tiniyak naman ni Cong. Toby Tiangco na kahit pa nadagagan ng mga bago at modernong gamit ang NCH, libre pa rin ang serbisyong medikal na matatanggap dito ng mga Navoteños.

Binuksan din ng magkapatid ang pang-12 at bagong barangay health center sa NavotaAs Homes 1 sa Brgy. Tanza 2 at ang molecular laboratory sa Brgy. NBBS Dagat-dagatan na gagamitin sa pagsusuri sa mga may sintomas ng COVID-19 at iba pang diagnostic tests.

Ayon kay Mayor Tiangco, nang itayo nila ang NavotaAs Homes, hindi lamang nila ninais na mabigyan ng tahanan ang mga Navoteños kundi mabigyan din sila ng pag-asang magsimula ng bagong buhay at matupad ang mga pangarap kaya’t patuloy ang paglikha nila ng mga pasilidad na susuporta sa kanilang pag-unlad. Laking pasalamat naman ng mga Navoteños kina Mayor John Rey at Cong. Toby sa tunay na malasakit nila sa mga kababayan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE