
Ipakulong, mga hoarder at profiteer !
KAILANGAN na lang makakolekta ang Bureau of Customs (BOC) ng P162 bilyong revenues sa nalalabing dalawang buwan ng taon para maabot ang kanilang 2023 collection target.
Ito ay pagkatapos na umabot ng halos P80 bilyon ang nakolektang duties at taxes ng BOC noong nakaraang buwan ng Oktubre, ayon sa lumabas na preliminary report.
“Total collections reached P78.616 billion in October, posting a 1.4 percent increase or P1.084 billion above its collection target for the period,” dagdag pa ng ahensya.
Sa unang sampung buwan ng 2023, umabot na ng P739 bilyon ang total na koleksyon ng BOC.
Kaya nga kailangan na lang nilang makakolekta ng P162 bilyon sa buwan ng Nobyembre at Disyembre para maabot ang 2023 target collection na P901.3 bilyon.
Sa tingin naman natin, mahihigitan nina Customs Commissioner Bienvenido Y. Rubio ang kanilang 2023 target dahil dumarating pa rin ang mga Christmas items.
Ang totoo niyan, medyo gumaganda ang importation business sa bansa dahil sa mga repormang inilatag ng BOC leadership.
Ang mga repormang ito ay naglalayong higit na mapaganda ang serbisyong ibinibigay ng mga tauhan ng BOC sa ibat-ibang ports of entry sa buong bansa.
Nagtatagumpay rin ang kampanya ng gobyerno laban sa technical smuggling.
Napipilitan na ang mga importador at broker na magbayad ng tamang buwis dahil hindi sila titigilan ng mga opisyal at kawani ng BOC.
Tama ba kami, Commissioner Rubio?
****
Kailangan talagang maipakulong ng gobyerno ang mga mapagsamantalang negosyante.
Lalo na ang mga walang pusong hoarder at profiteer na wala yatang kabusugan.
Ang gusto ng mga taong ito ay kumita ng limpak-limpak na salapi sa madaling panahon at walang pakialam kahit na hirap na ang marami nating kababayan.
Tama ang marching order ni Pangulong Marcos sa kanyang bagong-talagang kalihim ng Department of Agriculture (DA), Secretary Francisco Tiu Laurel.
Pinababatanyan ng Pangulo kay Laurel na kanyang kababata, ang presyo ng mga produktong agrikultura.
Lalo na ang bigas, gulay, isda, karne at iba pang pagkain. Ang dapat na presyo ng mga ito ay kailangang “affordable.”
Alam kasi ni Pangulong Bongbong ang hirap na pinapasan ng mga tao, magpapasko pa naman. Hirap pa ang marami sa atin dahil hindi pa naman tuluyang umaarangkada ang nalugmok nating ekonomiya dahil sa pandemya.
Sa totoo lang, marami pang walang trabaho hindi lang sa Metro Manila kundi sa buong bansa.
Hindi pa makapagbukas ang mga maliliit na negosyo dahil sa kakulangan o kawalan ng puhunan.
Ang maganda lang, ginagawa naman ng gobyerno ang lahat para matulungan ang mga may-ari ng mga maliliit na negosyo upang muli silang makapag-operate.
****
Ngayon pa lang ay dapat simulan na ng gobyerno ang nationwide campaign laban sa paggamit ng mga nakamamatay na paputok.
Higpitan ang pagbantay sa mga gumagawa ng paputok at pailaw.
Kailangan, walang maipagbiling illegal firecrackers na puwedeng pagsimulan ng sunog.
Walang buting idudulot ang paggamit ng mga ipinagbabawal na paputok at pailaw, lalo na sa panahon ng tinatawag na “New Year Revelry.”
Ang mabuti pa ngayon pa lang, i-monitor na ng mga pulis at opisyal ng mga barangay ang pag-transport ng mga paputok papunta sa mga probinsiya.
Sa totoo lang, may mga nagpapaputok na ng mga rebentador kung gabi.
Wala naman sigurong masama kung simulan na ang pag-ere ng mga jingles na nagpapa-alaala sa publiko na mag-ingat sa paggamit ng mga paputok.
Hiling nga ng marami, ipagbawal na ang paggawa at paggamit ng mga malalakas na paputok sa bansa.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)