Default Thumbnail

Inuman nauwi sa tutukan ng shotgun

March 12, 2023 Edd Reyes 314 views

NAHALINHAN ng sindak ang masayang inuman ng magkaka-barkada nang tutukan ng kanilang kapitbahay ang isa sa grupo ng hawak na 12-gauge shotgun Sabado ng gabi sa Malabon City.

Bigo namang maiputok ng suspek na kinilala ni Malabon Police Chief P/Col. Amante Daro na si Rene Quinistal, 39, tricycle driver at residente ng Blk 15, Lot 73 Brgy. Longos nang magpulasan kaagad ng takbo ang magkakabarkada, kabilang ang biktimang si Albert Garcia, 31, na residente rin sa naturang lugar.

Sa imbestigasyon nina P/SSgt. Bengie Nalogoc at P/Cpl. Rocky Pagindas ng Malabon Police Homicide Section, kasama ni Garcia ang kanyang mga kabarkada sa harap ng kanilang tirahan sa Blk 14, Lot 24 sa naturan ding barangay na nag-iinuman dakong alas-11:50 ng gabi nang biglang sumulpot ang suspek at kaagad itinutok ang hawak na shotgun sa biktima.

Matapos magkanya-kanyang takbo ang magkakabarkada, humingi kaagad sila ng tulong sa mga tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 subalit hindi na inabutan sa lugar na kanilang pinag-iinuman ang suspek.

Matiyagang nagsagawa ng follow-up operation ang pulisya sa pangunguna ni P/SSgt. Joselito Inocencio, kasama sina P/Cpl. Jerome Vedera Aquino, Pat Renerio Macabeo at Pat Christian na dahilan upang madakip ang suspek dakong alas-2:30 ng madaling araw sa Blk.13, Lot 4, Labahita Alley, Barangay Longos.

Nabawi sa suspek ang isang shotgun na may kargang apat na bala ng 12-gauge shotgun na ginamit niya sa panunutok sa biktima

Sa panayam kay Cpt. Pagindas, hindi umano batid ng biktima kung bakit siya tinutukan ng kapitbahay habang tumanggi namang magbigay ng pahayag ang nadakip sa suspek.

Kasong paglabag sa R.A. 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act at Art. 282 ng Bagong Kodigo Penal o Grave Threats ang isinampa ng pulisya sa piskalya ng Malabon City laban sa suspek.

AUTHOR PROFILE