Default Thumbnail

Inuman nauwi na naman sa patayan

July 25, 2024 Melnie Ragasa-limena 134 views

NAUWI sa saksakan ang away ng dalawang obrero na naging dahilan para dumiretso na sa kabilang buhay ang isa sa kanila noong Miyerkules sa Brgy. Apolonio Samson, Quezon City.

Naisugod pa sa Quezon City General Hospital si Jose Sanchez Repollo, 67, pero dead-on-arrival na dahil sa saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan.

Nahuli ang umano’y salarin na si Jaime Vigo Layson, 46, welder at naninirahan sa Sta. Mesa, Manila.

Ayon sa Quezon City Police District-Criminal Investigation and Detection Unit (QCPD-CIDU), dakong alas-8:45 ng gabi nag-iinuman sa Good Will St. Brgy. Apolonio Samson ang dalawang obrero.

Sinabi ng isang saksi na nakatayo siya sa harap ng tindahan nang magtalo ang biktima at suspek na nauwi sa magsuntukan.

Umalis ang biktima subalit bumalik na may dala ng dos-por-dos at hinamon ang suspek na tinamaan sa binti.

Gumanti ang suspek at inundayan ng saksak sa iba’t-ibang bahagi ng katawan ang biktima saka mabilis na tumakas. Nahuli ang suspek ng mga rumespondeng pulis.