Cow

Importation ng hayop, animal products galing Slovakia bawal muna

April 8, 2025 Cory Martinez 167 views

IPINAGBAWAL ng Department of Agriculture (DA) ang importasyon ng mga hayop at animal products mula sa Slovakia dahil sa pagkalat ng foot-and-mouth disease (FMD) sa mga baka sa nabanggit na bansa.

Sa Memorandum Order no. 21 na ipinalabas ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., ipinag-utos ang temporary import ban upang mapigilan ang pagkalat ng FMD virus at protektahan ang kalusugan ng mga hayop na madaling kapitan ng sakit.

Kinilala ng World Organization for Animal Health (WOAH) ang Pilipinas bilang FMD-free na bansa.

Iniulat ng Slovak authorities sa WOAH ang pagkalat ng FMD sa kanila noong Marso 2 partikular sa Dunajskd Streda at Trnavsky.

Sa naturang memo, ipinagbabawal ang importasyon ng buhay na baboy, baka, water buffaloes gayundin ang mga kahalintulad na produkto tulad ng bituka na ginagamit sa paggawa ng longganisa, sebo, sungay, kuko, litid at semilya.

Ilang mga produkto ang papayagang makapasok sa bansa tulad ng ultra-high temperature na gatas, heat-treated na mga produktong karneng nakalagay sa sealed containers, protein meal, gelatin, in vivo-derived embryos, limed hides, pickled pelts at semi-processed na balat.

Ang mga kargamentong nasa byahe na, naisakay o tinanggap na sa mga puerto bago ang abiso ng ban papayagang makapasok subalit kailangang ang mga produkto kinatay o ginawa bago March 6 at nasuring negatibo sa FMD bago dumating sa port of entry.

Sinuspinde rin ng DA ang proseso, evaluation at pag-iisyu ng sanitary at phytosanitary import clearances para sa mga apektadong produkto.

AUTHOR PROFILE