
Iilan na lang ang gumagawa ng “milagro”
SA tingin ng marami ay natutuwa ang mga ismagler habang umiinit ang problema sa West Philippine Sea (WPS) na kinasasangkutan ng Pilipinas at China.
Bakit nga ba hanggang tainga ang ngiti ng mga “outright smuggler” habang sobrang abala ang Philippine Navy (PN) at Philippine Coast Guard (PCG) atensyon sa WPS?
Siyempre, iilan lang naman ang mga barko at patrol boat ng PN at PCG.
Alam ng mga ismagler na hindi mababantayan ng PN at PCG ang lahat ng isla sa bansa na puwedeng pagbagsakan ng mga kontrabando.
Iilan lang ang sasakyang pandagat ng gobyerno para mabantayan ang libu-libong isla natin, lalo na sa Mindanao.
Kaya hindi tayo nagtataka kung bakit madalas nakaka-intercept ang mga otoridad ng mga puslit na sigarilyo at iba pang kontrabando.
Ngayon, malamang na mas maraming kontrabando ang nakakapasok sa bansa sa pamamagitan ng outright smuggling kesa technical smuggling.
Kasi nga napakahirap ngayong lumusot sa ports of entry ang mgas kontrabando dahil nandiyan ang mga x-ray scanner, sniffing dog at eagle-eyed na mga opisyal at tauhan ng Bureau of Customs (BOC).
Ang dali-daling mabisto ng mga nakatagong kontrabando sa mga shipment.
Siyempre takot ang mga tiwaling lingkod-bayan na makipagsabwatan sa mga iligalista sa aduana.
Alam nila na bantay sarado ngayon ng taumbayan ang mga galaw sa aduana, na dating tinaguriang graft-ridden.
Sayang naman ang serbisyo nila sa gobyerno kung mahuli silang nakikipagsabwatan sa mga ismagler.
Kaya, sa tingin natin ay nabawasan na ng malaki ang mga kalokohan sa aduana pag-upo ni Pangulong Marcos at BOC chief Bienvenido Y. Rubio.
Hindi natin sinasabi na lahat na ng mga empleyado sa aduana ay mga “anghel” na.
Kagaya ng ibang government offices at agencies, nandiyan pa rin ang graft and corruption.
Pero iilan na lang diyan ang mga gumagawa ng milagro.
Hindi ba, Commissioner Rubio?
***
Habang papalapit ang Mayo 12, 2025 elections by inaasahang titindi pa ang batuhan ng putik dahil sa politika.
Hindi lang ‘yan. Inaasahang magsisimula na ang balimbingan.
Siguradong maglilipatan na sa grupo ng mga nakaupong opisyal.
May kanya-kanyang dahilan ang mga politiko kung bakit nila iiwanan ang kanilang mga dating kapartido.
Napapangiti na lang ‘yong mga political observer sa ginagawa ng mga “highly-enterprising local at national politicians.”
Ganyan lang ang politika sa bansa.
***
Ibang-iba na talaga ang panahon ngayon sa bansa
Hulyo na pero mainit pa rin ang panahon kahit na paminsan-minsan ay umuulan.
Tama ang sinasabi ng mga scientist. Grabe na ang climate change dahil sa patuloy na addiction natin sa fossil fuels.
Ang tanging magagawa natin ay gumawa ng mga paraan para mabawas-bawasan ang impact ng global warming.
At ang masakit ay patuloy nating sinisira ang ating kapaligiran.
Nakakalungkot naman.
(Para sa inyong komento at suhestiyon, mag-text sa #0917-8624484/email:[email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)