Default Thumbnail

‘Ice City’

July 10, 2023 Allan L. Encarnacion 379 views

Allan EncarnacionHINDI lahat ng mauunlad na lungsod ay disente kumilos.

May alam akong lungsod sa Metro Manila na kilos tulisan sa kanilang mga negosyante. Iyong tipong gustong pagkitaan ang lahat mula langgam hanggang gusali.

Mayroon dyan ultimong junkshop may tongpats sila kaya lahat ng obstructions sa kalsada, hindi nila pinapansin. May isang pagkakataon nga, inireklamo ang mga nakaharang na bakal at mga junks sa kalsada, ang daming taong ginamit para matanggal pero ang ending, kumita pa sa inireklamo, pinakikilan pa ng P400K ng kanyang boss.

Nagamit pa iyong reklamo para makikilan lang ang inireklamo. Pero iyong mga nakaharang na bakal ay hindi rin naalis, iyon pala, nagpataas lang ng kikil. At ang nagreklamo, hayun, naloko na, pinagkakitaan pa!

Ang problema, lumapit pa kasi gayong kilalang hayok sa pera ang mga yan kaya ang tingin sa kanila ng mga nasasakupan nila, mga halimaw na nakawala sa banga nang biglang nagkapuwesto!

Iyong iba naman, kinokontranta na agad ang developer na isang floor o at least limang pinakamamalaking unit ng condo ang kanila bago bigyan ng construction permit. Or worst, dapat ay kanila raw ang penthouse! Hayup!

Ito ang mas matindi, iyong isang lungsod naman, pinipilipit ang lahat ng negosyante sa kanilang area na kanila lahat ng supply ng yelo sa lahat ng restaurants. Kapag tumanggi ang isang negosyante, iipitin ang business permit. Walang-wala sila sa pagiging busines friendly ng Taguig City at Quezon City kaya parehong kahanay sa pinakamauunlad na lungsod sa buong bansa. Nasa matinong lider talaga yan!

Ganoon kawalanghiya ang ibang lungsod kaya maraming negosyante ang lumilipat sa ibang mas business-friendly territory.

Isang halimbawa ng panggipit ay ayaw isyuhan ng business permit ang mga negosyo na nasa loob ng isang malaking building. Kaya naman pala, iyong isang malapit sa boss, pilit na binibili ang lupang kinatitirikan ng gusali. Dahil sa panggigipit nila, nagsara na ang maraming negosyo sa gusali. Iyong may-ari ng building, kung kani-kanino na lumapit para isyuhan sila ng business permit pero hanggang sa huling balita, wala pa rin. Tinatakot pa siya hahalukayin ang mga unpaid taxes para maisubasta ng lungsod ang lupa at gusali.

Kung mayroon mang dapat ipakulong si President BBM at ang Ombudsman, iyon ang mga local leaders na walang ginawa kung hindi walanghiyain ang mga negosyante sa kanilang lugar.

Imagine, yelo sa buong lungsod, dapat sila lang ang supplier? Anong klaseng mga tao ang mga ito kung tao nga ba sillang mga tao?

Dapat pinatitigas sa yelo ang mga mukha ng mga abusadong ito!

[email protected]