
Iba’t ibang kaso ng pambubudol, tinalakay sa ‘CIA with BA’
“In the end, ipaglaban natin ‘yung karapatan natin then we just have to move on.”
Ganito tinapos ni Senadora Pia Cayetano ang nakaraang episode ng “CIA with BA”, kasama ang kanyang mga co-host na sina Boy Abunda at kapatid na si Alan.
Sa segment na ‘Payong Kapatid,’ tinalakay ng public service at talk program ang tatlong magkakaibang isyu ng scam. Isa rito ang tungkol sa magkasintahan at ang kanilang wedding organizer.
Ang isa naman ay tungkol sa isang babae na nagreklamo ukol sa mga laruan o toy charms na kanyang in-order. Ang pangatlo ay tungkol sa isang lalaki na gustong makuha ang pera ng yumaong kapatid mula sa bangko.
“Ang sakit. Hindi ko naman pwedeng sabihin na nagpabaya sila. Dapat listo talaga tayo all the time kasi anything that involves something na may value sa atin — sometimes, pera ‘yon, sometimes, it’s a friendship — kung anuman ‘yung may value sa atin, paka-ingatan natin because minsan may manloloko, may pabaya,” wika ni Ate Pia habang nagre-reflect sa mga sitwasyong kanilang tinalakay.
Gayunpaman, ipinaalala niya: “Ang importante is we do everything sa power natin na ma-minimize, mabawasan ‘yan kaya kailangan maayos ang mga contract, merong mga pinagkakatiwalaang mga nakapaligid sa ‘tin.”
Samantala, sabi naman ni Kuya Alan: “It’s possible you do everything right pero nagkaproblema ka pa rin, and it’s possible you blame yourself. But [you know], pick yourself up, learn your lessons tapos go ulit, go lang, laban.”
Binigyang-diin naman ni Tito Boy ang aspeto ng pagkatao sa mga isyung ito: “Maraming mga legal na problema na merong dimensyon na hindi legal. Bumabalik sa pagkatao, sa character, sa value… maraming mga legal na problemang maiiwasan kung hindi tayo mawawala.”
Nagbahagi rin siya ng isang aral mula sa kanyang ina: “My mother used to say, ‘Kahit anong mangyari sa ‘yo, do not lose your sense of what is right and what is wrong.’ Gano’n lang ka-simple ‘yon.”
Ayon sa mga host, sinusubok ng mga scam hindi lamang ang ating pagiging alerto kundi pati ang ating mga pagpapahalaga. Sa tamang mindset at pag-iingat, maiiwasan natin ang mga panganib habang pinanghahawakan ang mas mahalagang bagay — ang ating integridad at katatagan.
Ang “CIA with BA” ay nagpapatuloy sa pamana ng yumaong Senator Rene Cayetano at napapanood tuwing Linggo, 11 p.m., sa GMA7, at may mga replay sa GTV tuwing Sabado, 10:30 p.m.