
Ibasura ang e-sabong!
LUMULUTANG na naman ang pagbuhay sa e-sabong.
Ito iyong nagkaroon ng online betting at live na patayan ng mga manok.
Dati-rati, sa kawali ko lang napapanood ang manok kapag naggigisa ako ng tinola pero nang magkaroon ng e-sabong, nakita na natin ang aktuwal na pahirap sa mga manok bago mailuto ang mga talunan.
Ang mabigat sa e-sabong betting, hindi matukoy kung sino at ilang taon ang tumataya. Okey lang ang lotto kasi hindi nakakataya ang minor age kumpara sa online betting ng e-sabong, kahit sino puwede. Napakaraming elementarya at high school pa lang ang nalulong sa e-sabong na yan dahil sa online betting.
May mga pilosopo pang nangangatwiran kung bakit daw ang MMA o Mixed Martial Arts ay pinapayagang manapanood dito sa atin gayong madugo rin naman iyon na parang patayan ng manok on air. At least sa MMA, kapag sobra nang nasasaktan ang player or hindi na siya makahinga, may chance siya maka-tap out para bitawan ng kalaban. At walang nakakapustang minor age!
Sa labanan ng mga manok, hindi naman makapagtaas ng tari kapag gusto na nilang sumuko dahil sa laslas na ang kanilang pakpak.
Ang bottomline, kailangan pa ba natin ng isang sistema ng pasugal na accessible kahit saan ay panonood at pati na ang pagtaya ay open kahit kanino?
Ang dami na nating online gambling dito mula sa casino, e-bingo, STL, lotto bukod pa ang mga illegal bookies ng lotto at illegal din na bookies ng STL. Isama mo pa ang mga jueteng, lotteng, masiao, ball-alai at mga sakla kung saan-saan.
Nang magkaroon ng e-sabong dito noong mga nakaraan, bilyun-bilyon ang kita kada buwan ng mga operator pero napakaliit na buwis ang nakukuha ng pamahalaan.
Kung sinu-sino lang ang nakinabang sa e-sabong at walang patunay na nakatulong ito sa pag-angat ng kabuhayan ng ating mga kababayan. Sangkatutak ang naghirap, iilan lang silang yumaman puro operators pa!
Gusto nating marinig ang boses ng CBCP, ng INC, ng JIL at lahat ng mga religious organization para tutulan ang e-sabong na ito na makabalik sa kanilang operasyon.
Magpokus na lang tayo kung paano natin pababaitin ang ating mga kabataan at huwag natin silang bigyan ng bagong “hibangan” na sisira sa kanilang kinabukasan.