
Ibalik sa Manila International Airport!
MALAKING pagkakamali ang ginawa ng pamahalaan nang ipangalan kay Ninoy ang dating Manila International Airport.
Lalong nahati ang ating mga kababayan dahil sa mga partisan decisions ng mga nagdaang administrasyon.
Ang suhestiyon na ipangalan kay yumaong dating Pangulong Marcos ang NAIA ay isang maling pagkilos na sa tingin natin ay hindi rin ito gusto ni PBBM.
Alam ni Presidente Bongbong na hindi himig ng “uniteam” ang panukalang ito na palitan ng pangalan ng kanyang tatay ang airport na nakapangalan sa tatay ni Kris. Naniniwala akong hindi ganito kababaw si PBBM para payagan niya ito.
Sumulong muna tayo nang nagkakaisa kaysa pag-awayan na naman natin ito.
Mas maganda pang ibalik sa Manila International Airport ang pangalan ng pangunahing paliparan ng bansa kaysa ipangalan sa mga taong pagmumulan pa ng gulo.
***
Tama naman si Finance Secretary Ben Diokno na tigilan na ang mga lockdown policy sa hinaharap dahil sa banta ng COVID.
Tularan na natin ang Singapore na nabubuhay silang kasama ang banta ng virus. Ibig sabihin, tuloy ang daloy ng kanilang buhay, walang sagabal sa komersiyo at kalakan pero umiiral pa rin ang mga health protocol gaya ng basic na pagsusuot ng mask.
Ang Hong Kong na nabubuhay sa 36 million annual tourists arrival at multibillion-dollar investment ay dumaranas na ngayon ng krisis. Sobrang higpit ng kanilang polisiya sa covid kaya marami nang investors ang nag-alisan. Iyong iba, lumipat na sa Singapore.
Sino namang turista ang pupunta sa Hong Kong kung may 7 days mandatory quarantine? Iyong mga business leaders din mula sa Europa, Amerika at Middle East ay umaapela na sa Hong Kong na ayusin ang kanilang patakaran.
Kung hindi kikilos ang Hong Kong, kasama na ang mga locals nila sa mga tumatakas paalis sa Special Administrative Region para mamuhay sa ibang bansa.
***
Sino namang kapitalista ang papayag na bigyan pa ng P1,000 ang mga empleyadong naka-work from home?
Walang logic ang ganitong panukala dahil lalo nitong papatayin ang negosyo. Sa isang banda, malaki na nga ang natipid ng work from home dahil hindi na sila kailangang mamasahe, hindi na rin kailangang kumain sa kantina ng kompanya.
Pati mga damit na isusuot na lalabhan pa ay dagdag din sa gastos kung physical pa silang magtrabaho sa opisina. Sobrang dami na nilang natipid sa work from home system kaya walang dahilan para bigyan pa ng P1K incentive.
Kaya nga iyong mga nagpapanggap na henyo, tigilan nyo na ang mga ganyang suhestiyon dahil maraming negosyante ang dumanas din ng matinding hirap dahil sa dalawang taong pandemic tapos pabibigatan nyo pa.
Kumain nga tayo ng maraming kamote para kahit paano’y lumakas ang ating sintido-kumon!