Allan

Huwag lang puro kahig, ‘susungkal’ din minsan

November 13, 2024 Allan L. Encarnacion 284 views

NOONG bata pa ako, palagi kong naririnig sa mga matatanda sa una na huwag kang parang manok na kahig lang nang kahig, dapat umasta ka ring baboy minsan.

Dahil nangunguha ako ng kanin-baboy noong kamusmusan ko, napagmasdan ka tuloy kung ano ang kaibahan ng manok at baboy. Tama nga pala, iyong manok, puro lang kahig papunta sa kanya ang pagkain samantalana ang baboy, kung tawagin nila ay marunong ding “sumungkal.”

Ang sungkal pala ay patulak kasi nga kapag kumakain ang baboy, natatabig niya paabante ang kainan niya kaya lumalabas sa kanyang kainan ang mga kanin-baboy.

Parang ganyan pala ang ginawa ng mga may pa-bingo, hindi lang sila puro hamig. Sumungkal din pala. Nakita natin na nitong nakaraang weekend ay nagbigay ng P37 million ang Digiplus Interactive at Bingoplus Foundation sa mga nabiktima ng bagyong Kristine sa Batangas.

Cash at mga relief items ang pinamahagi ng kompanya kaya kahit paano maganda ring makitang nagiging katuwang sila ng pamahalaan sa pagtulong sa ating mga kababayang sinalanta ng kalamidad.

Ganoon sana ang gawin ng mga casino, mga online gaming at iba pang pasugal, huwag lang puro hamig. Sumungkal din kayo, ba!

Sa panahong sunud-sunod ang kalamidad sa ating bansa, lalo’t may dalawa na namang paparating sa susunod na linggo, kailangang maging agresibo ang mga pribadong sektor sa pagtulong sa ating mga kababayang pinadapa ng bagyo.

Hindi kakayanin ng resources ng pamahalaan kung magkakasunuran ang mga bagyong darating sa ating bansa. Marami nang problema ang gobyerno sa pagretoke sa mga imprasktrakturang sinira ng kalamidad, pagkakaloob ng mga ayuda at pagbuo sa mga nasirang tahanan kaya importanteng may katuwang mula sa pribadong sektor.

Ang alam natin kahit si Bacolod City Mayor Albee Benitez ay naging katuwang ni First Lady Liza Marcos sa paglulunsad ng relief operation sa Southern Tagalog.

Teka nga, bakit napunta si Mayor Albee sa Batangas? May balak na rin ba siyang kumandidatong gobernador doon? Ang alam ko balik-kongreso si Mayor Albee sa 2025.

Mabuhay kayong mga taga-gobyerno at mga negosyanteng mula sa pribado na palaging kabalikat ng pamahalaan sa anumang pagtulong sa ating mga kabababayan sa panahon ng mga pangangailangan.

[email protected]