Frasco Pangulong Ferdinand Marcos Jr. at Christina Garcia Frasco, ang Kalihim ng DOT

HOUSE COMMITTEE ON TOURISM MAY KUMPIYANSA KAY FRASCO

July 8, 2023 Mar Rodriguez 230 views
Madrona
Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona

KATULAD ng Pangulong Ferdinand Marcos Jr., maging si Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona na chairman ng House committee on tourism ay nagpahayag ng buong tiwala at kumpiyansa para kay Department of Tourism (DOT) Secretary Christina Garcia Frasco sa gitna ng nangyaring kontrobersiya sa tourism campaign slogan ng ahensiya.

Binigyang diin ni Madrona na bagama’t maituturing na isang malaking kontrobersiya ang nangyaring kapalpakan sa campaign promotional slogan ng DOT, napakaliit naman nito kumpara sa napakaraming achievements na natamo ng ahesiya sa ilalim ng mahusay na pamamalakad ni Frasco.

Ipinaliwanag ni Madrona na hindi ang kapalpakan sa slogan ng DOT ang dapat tutukan ng publiko. Bagkus ang napakaraming bagay na nagawa ni Frasco para mai-promote ang Philippine tourism sa international community na naging dahilan para dumagsa sa Pilipinas ang napakaraming dayuhan.

Ayon kay Madrona, kung tutuusin ay branding lamang ang “Love the Philippines” ng DOT sapagkat ang pinakamahalaga ay yung naeengganyo at nahihikayat ang mga dayuhang turista na bumisita sa Pilipinas dahil na rin sa mahusay na “sales talk” ni Frasco.

Muling iginiit ni Madrona na isang mahusay na “sales lady” si Frasco bunsod na rin ng kaniyang mahusay na bukadura o “sales talk” para ibenta ang turismo ng Pilipinas sa mga dayuhan na makikita mismo sa datos ng DOT at sa bilang ng mga turistang bumisita sa bansa.

Sinabi pa ni Madrona na bilang chairman ng House committee on tourism walang dahilan para masira ang kaniyang tiwala at kumpiyansa kay Frasco sapagkat ginagawa naman nito ang kaniyang tungkulin para mapahusay ang turismo ng bansa na itinuturing na “economic pillar” ng pamahalaan.

Umaapela din si Madrona sa publiko na huwag ang naging pagkakamali ng DOT ang kanilang dapat pagtuunan kundi ang napakaraming achievements na nagawa ng ahensiya, kabilang na rito ang naitalang dami ng mga dayuhang turista na nagtungo sa Pilipinas ngayong taon.

Nauna rito, ikinagalak ng kongresista ang muling pagbangon ng Boracay Island matapos ang dalawang taong lockdown dahil sa COVID-19 pandemic, makaraang mapaulat na isang milyong dayuhan at lokal na turista ang bumisita dito ngayong taon na mas mataas kaysa noong 2022.

Tinatayang isang milyong dayuhan at lokal na turista ang narehistrong nagpunta ng Boracay Island nang pumasok ang taong 2023 dahil na rin sa mahusay na pamamalakad ni Frasco sa DOT.

AUTHOR PROFILE