Madrona

House committee on tourism ikinatuwa pagdagsa ng foreign tourists

July 15, 2023 Mar Rodriguez 352 views

SA KABILA ng kontrobersiyang kinasangkutan ng Department of Tourism (DOT) kaugnay sa “Love the Philippines” campaign, nagagalak ang chairman ng House committee on tourism dahil sa lumolobong bilang ng mga dayuhang turista na nagbabakasyon sa Pilipinas.

Sinabi ni Romblon Rep. Eleandro Jesus “Budoy” F. Madrona, chairperson ng tourism committee sa Kamara, nangyari man ang kontrobersiya sa DOT ay hindi ito naging hadlang para hindi dumagsa sa Pilipinas ang nasa 2,470,798 foreign tourists.

Ayon kay Madrona, hinigitan na ng pinakahuling datos ng tourist arrivals mula January hanggang June 2023 ang naunang bilang na 2,025,413 dayuhang turista na pumasok sa bansa sa loob ng 12 buwan ng 2022.

Binigyang diin ni Madrona na pinatutunayan lamang ng nasabing datos na paunti-unting nakababangon ang sektor ng turismo sa Pilipinas at inaasahang lalo pang lolobo ang bilang ng tourist arrivals sa bansa.

Nauna rito, sinabi ng kongresista na sa kabila ng isyung kinasangkutan ng DOT kaugnay sa kanilang promotional slogan na “Love the Philippines” ay hindi naman naapektuhan ang pagdagsa ng mga foreign tourists sa Pilipinas, may tourism branding man o wala.

Dahil dito, iginiit ni Madrona na hindi naman ang branding ng DOT ang pinupuntahan ng foreign tourists kundi ang mga magagandang lugar sa Pilipinas. Aniya, “secondary” na lamang ang tourism slogan.

Dagdag pa ni Madrona na hindi nakapagtataka kung bakit patuloy na dumadagsa ang mga dayuhang turista sa Pilipinas pagkatapos ng halos dalawang taong COVID-19 pandemic.

Sinabi rin niya na isa pang dahilan ng paglobo ng mga foreign tourists na dumagsa sa Pilipinas ay ang pagluluwag ng gobyerno sa mga dating restrictions at health protocols.

AUTHOR PROFILE