
Hontiveros: Pera ng bayan ang pinag-uusapan
“PERA ng taong bayan ang pinag-uusapan dito. Kailangan namin ilahad bawat sentino ng ginagastos naming lahat. Sapagkat karapatan ng mamamayang Pilipino na malaman kung saan natin dinadala ang perang pinagpapaguran nila.”
Ito ang paliwanag si Deputy Minority Floor Leader Sen. Risa Hontiveros sa kanyang hiling sa Senado na imbestigahan ang P460 milyon na confidential intelligence fund (CIF) ng Davao City mula 2019 hanggang 2022.
Ayon kay Hontiveros, hindi pwedeng ipagkibit balikat na lang ng sinuman ang ganito kalaking halaga ng salapi ng bayan.
“Nakakalula ang halos kalahating bilyong confidential funds ng Davao City kada taon kung ikukumpara sa CIFs ng mga malaki at mayamang lungsod gaya ng Makati, Manila at Cebu na hindi man lamang umabot sa P100 million,” sabi ni Hontiveros.
Ipinunto rin ng oposisyon na senadora ang kahalagahan ng tamang pagpapaliwanag kung saan dinadala ng sinumang opisyales ng gobyerno, inihalal man o ordinaryong empleyado, ang buwis na ginagastos ng lokal na pamahalaan dahil ito ang nakasaad sa Konstitusyon.
“Ano ang meron sa Davao City at mas malaki pa ang CIF nila kumpara sa ibang national agencies gaya ng Philippine Coast Guard? While Davao faces existing security challenges, are these challenges really so much worse than China’s incursions and abuses in our territorial waters? Inaagaw na rin ba ng Tsina ang trritoryo nila tulad sa West Philippine Sea?” tanong ni Hontiveros.
Sinabi pa ng senadora na marapat lang na malinaw na patakaran at limitasyon ang ipatupad sa paggamit ng CIFs ng pamahalaan.
Base sa 1987 Constitution, may mandato na siguruhin ng lokal na pamahalaan na may fiscal autonomy sa ilalim ng LGUs ang katahimikan at kaayusan ng kanilang nasasakupan.
“However, there should be a reasonable threshold on the amount that LGUs–like national agencies–may allocate as CIFs to promote accountability and transparency,” ayon kay Hontiveros. “I look forward to raising this issue and others involving CIFs at the upcoming Senate plenary discussions on the 2024 national budget.
Idinagdag ng senadora na hindi personal na banat kay Vice President Sara Duterte ang pagpapa-imbestiga sa Senado ng isyung ito kundi para mabigyan ng proteksyon ang buwis na ibinibigay ng taumbayan sa gobyerno.
Base sa mga dokumento, may P144 milyon na CIF expenses noong 2016 ang lokal na pamahalaan ng Davao City.
Lumaki sa P460 milyn ang CIF matapos manalo si Sara Duterte bilang mayor ng siyudad ng Davao.
Ayon sa Commission on Audit, nasa ilalim din ng maintenance ang confidential expenses at iba pang gastusin na makatutulong para sa isang napakahalagang gawain patungkol sa seguridad.
Sa Commission on Audit financial statement report, umakyat ng P460 million mula 2019 hanggang 2022 ang dating halaga ng CIF na P420 million noong 2018.
Napag-alaman din na nagmula sa tinatawag na contingent fund sa Office of the President para sa 2023 ang P125 million na ibinigay kay VP Sara na diumano’y naubos ng Office of the Vice President sa loob lang ng 19 araw.