Hontiveros

Hindi nagsasabi ng totoo si Mayor Guo–Sens. Risa, Loren, Win

June 23, 2024 PS Jun M. Sarmiento 54 views

HINDI nagsasabi ng totoo si Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo.

Ito ang pananaw ng mga senador sa pagsang-ayon sa pagsasampa ng kaso laban kay Guo dahil umano sa human trafficking.

Para kay Sen. Risa Hontiveros, maituturing na tagumpay para sa mga biktima ang pagsasampa ng kaso kay Guo at iginiit na dapat lamang managot ang sinumang maysala at mga sindikatong may kaugnayan sa Philippine Offshore Gaming Operators (POGO).

Iginiit ni Hontiveros na si Guo lamang ang kumbinsido sa mga statetments niya dahil matibay ang mga nakalap na ebidensiya ni Sen. Sherwin Gatchalian laban sa kanya.

“Lahat bistado na siya. Alam naman natin na ang katotohanan hindi ‘yan pwedeng itago basta basta lang. It is time for her to tell the truth.” ani Hontiveros.

Gayundin ang pahayag ni Sen. Loren Legarda. “I am convinced that Sen. Sherwin is right that Mayor Guo and Guo Hua Ping, who entered the country in 2003, are one and the same person,” sabi ni Legarda.

Hindi rin aniya kumbinsido si Legarda na simpleng tao lang si Mayor Guo na lumaki sa bukid tulad ng kanyang paglalarawan sa sarili.

Hindi malayo, ani Legarda, na isang spy o infiltrator ang mayor at posible rin na may kaugnayan sa mga sindikato.

Isinisi ni Legarda sa mga umano’y kurakot sa gobyerno na siyang nagbebenta ng mga dokumento para makakuha ng late registration ang mga banyaga na may “colored reputation.”

Para kay Sen. Gatchalian, marami pa siyang dokumento na ilalabas at magpapatunay na si Guo ay si Guo Hua Ping na dumating nuong 2003 kasama ang ina niyang si LIn Wenyi.