Magi

Hindi gugunawin ang Pilipinas dahil sa diborsiyo

May 18, 2024 Magi Gunigundo 292 views

MAGANDANG balita ang pagpasa sa ikalawang pagbasa ng panukalang diborsyo sa Malaking Kapulungan noon Mayo 15, 2024, at hindi ito nakapagtataka sapagkat pumasa ito sa ikatlong pagbasa noon 17th Kongreso.

Tanging mga Senador lamang ang makupad sa pagpasa ng panukalang diborsiyo, marahil sa takot sa asawa o di kaya ay sa batikos ng Simbahan (Katoliko man o Born Again).

Dapat mapagtanto ng mga Senador na hiwalay ang moralidad ng relihiyon sa sekular na pamantayan ng moralidad. Walang ano mang relihiyon ang maaaring ipilit ang sariling pananaw sa mga mamamayan na iba ang paniniwala, at ito ay pinagdiinan ng Korte Suprema sa maraming desisyon (Leus v St. Scholastica’s College, GR. No. 187226, Jan.28,2015; Estrada v Escritor ,A.M. No. P-02-1651, Aug 4,2003;Republic Of The Philippines vs Marelyn Tanedo Manalo,G.R. No. 221029 April 24, 2018).

Sinabi ni Robert George na bagamat hindi kayang isabatas ang moralidad, makakatulong ang batas sa paglikha ng isang “moral ecology” na malalim ang epekto sa paniniwala ng lipunan kung ano ang katanggap-tanggap, pinagbabawal at kinakailangan gawi, ugali, at kilos.

Ang mabuting moral na ekolohiya ay humihikayat at sumusuporta sa mga pagsisikap na maging mabuti ng mga tao, samantalang ang isang masamang moral na ekolohiya ay pumipinsala sa mga tao dahil wala silang mapagpipiliang hakbang para makaiwas gumawa ng mga bagay na masama.

Ang diborsiyo ay bahagi ng mabuting moral na ekolohiya dahil nag-aalok ito ng katanggap tanggap na alternatibo sa nabulok na kasal. Binibigyan ng katahimikan ang dalawang tao na hindi payapa na manirahan sa isang bubong, at kalayaan na makipagrelasyon sa magpapaligaya sa kanya ng hindi tinatago sa madla. Hindi kinakailangan makulong at matupok ang kaluluwa ng mala-impiyernong pighati at pagdurusa sa loob ng isang gusali na walang hagdan na takasan sa sunog.

At para sa mga taong patuloy na mahigpit na nagkukunyapit sa Bibliya, kailangan usisain ang pinakong 95 thesis ni Martin Luther sa Guttenberg Church sa Alemanya noon 1517 na nagpasiklab ng protestantismo sa Europa.

Para kay Luther at mga tagasunod, ang kasal ay may pakinabang na espirituwal sa indibidwal at gayon din sa estado. Idiniin ni Luther at Uldarich Zwingli na ito ay itinalaga ng Diyos bilang “lunas” para sa hindi maiiwasang kasalanan ng pagnanasa sa laman, at tamang lugar para sa pagpapalaki ng mga anak bilang mga Kristiyanong may takot sa Diyos at nag-aalok ng pagsasama at aliw sa mag-asawa.

Ang isang maayos na kasal ay nagpapakita ng espirituwal na pagkakapantay-pantay ng lalaki at babae at ang wastong panlipunang hirarkiya ng awtoridad ng asawang lalaki at pagpapasakop ng asawang babae. Kadalasan ang pag-ibig ay wala sa umpisa ng kasal ngunit inaasahan mabubuo ito sa pagsasama ng mag-asawa at pagkakaroon ng supling.

Itinuturing ng mga Protestante ang kasal bilang isang kontrata, hindi isang sakramento. Kung ang mag-asawa ay hindi na nagbibigay ng aliw o suporta sa isa’t isa sa pisikal, materyal, o emosyonal na bagay, ang pananatili ng kasal ay nagsisilbing panganib sa kanilang sariling mga kaluluwa at sa komunidad.

Ang tanging solusyon ay maaaring diborsiyo at muling pag-aasawa, na pinahihintulutan ng karamihan sa mga protestante.Kapansin-pansing naiiba ito sa doktrinang katoliko na pinagbabawal ang diborsiyo na sumisira sa sakramento ng kasal, at pagkakait sa mag-asawa ng gantimpala sa langit para sa matiisin sa pagdurusa (Mckay,Hill, Buckler etc., Understanding Western Society, Volume I,©2012).

Dahil sa pananaw sa diborsiyo ng mga Protestante, lalong lumawak ang protestantismo sa labas ng Alemanya ng umalis si Haring Henry VIII ng Inglatera sa simbahang Katoliko dahil sa kagustuhan niyang makakuha ng diborsiyo sa asawa upang makapag-asawa muli at magkaanak ng lalake na magmamana ng kanyang korona. Taliwas sa mga banta ng mga pinuno ng Simbahang Katoliko, hindi ginunaw ng Diyos ang Inglatera bagkus ay lumawak at lumago pa nga ang sakop nito ng maging reyna si Elizabeth I , anak ni Haring Henry VIII.

Kaya huwag mag-alala, hindi gugunawin ang Pilipinas dahil sa diborsiyo.

AUTHOR PROFILE