Nartatez

Hepe, 2 pa bagsak sa kangkungan

August 16, 2023 Edd Reyes 557 views

Jemboy inilibing na

INAPRUBAHAN na ni National Capital Region Police Office Director P/BGen. Jose Melencio Nartatez Jr. ang pagsibak sa puwesto ni Navotas Police Chief P/Col. Allan Umipig, matapos itong irekomenda ng Philippine National Police (PNP) Internal Affairs Service.

Sa dalawang pahinang kautusan na inilabas ni Nartatez, inalis sa puwesto si Umipig dahil sa kabiguan nitong pangasiwaan ang isinagawang police operation na nagresulta sa pagkamatay ng 17-anyos na si Jemboy Baltazar dahil lamang sa maling akala, pati na rin sa prinsipiyo ng “command responsibility” at tangkang pagtatakip sa iba pang sangkot na pulis.

Bukod kay Umipig, sinibak din sa puwesto sina P/Capt. Juanito Arabejo, ang officer-in-charge ng Station Investigation and Detective Management Section, at P/CMS Aurelito Galvez, ang chief clerk ng naturang tanggapan, matapos sampahan ng kasong simple neglect of duty dahil sa nabigong pag-sumite sa paraffin test ng mga sangkot na pulis, hindi paghahanap at pag-iingat sa mga ebidensiya, pati na rin sa hindi pagre-record ng nakalap na ebidensiya, kabilang ang hindi pagsusuot ng body camera.

Sa naturan ding kautusan, 20 pang mga tauhan ng Navotas City Police ang sinibak, kabilang na rito ang anim na nauna ng sinampahan ng mga kasong kriminal at administratibo na sina PEMS Roberto Balais; P/SSgts. Nico Fines Esquidon, Gerry Maliban, Antonio Bugayong; Cpl. Edmark Jake Blanco; at Pat. Benedict Mangada.

Kasama rin ang kanilang dalawang team leader na haharap sa kasong administratibo, na sina P/Capt. Mark Joseph Carpio at P/Capt. Luisito Dela Cruz.

Ang ilan pa sa mga tauhan ng Navotas police na sinibak sa puwesto ay sina P/Capt. Luis Rufo; P/EMS Jose Elizalde Oriendo; P/SSgts. Rondel Sauza, Johnvir Tagacay, Melvin Napay, Mervin Villanueva, Rolan Orbita, Kenneth Amangan, Jorge Boco Jr., Ever Layco; at P/Cpls. Aldrin Pascual at Mark Joseph Quillan.

Inihahanda na rin ng pulisya ang paghahain ng kasong less grave misconduct sa naturang mga pulis, dahil sa kabiguan nilang tumulong sa naging biktima ng pamamaril ng kanilang kasamahan.

Dahil wala pang itinatalagang papalit sa posisyon ni Umipig, ang kanyang deputy na si Lt. Col. Antonio Naag ang inaasahan na pansamantalang uupo sa nabakanteng puwesto.

Ayon naman kay Northern Police District Director P/BGen. Rizalito Gapas, ang kanilang ginawang aksiyon ay nararapat lamang upang mapanindigan ang patas, may integridad at wastong hustisya sa buong panahon ng isinasagawang imbestigasyon.

Nauna ng inirekomenda ni Inspector General Alfegar Triambulo ng PNP Internal Affairs ang pagsasampa ng reklamong “dishonesty” at “command responsibility” laban kay Umipig, matapos ang umano’y tangkang “cover up” nang lumabas sa kanilang imbestigasyon na inutusan ng opisyal ang team leader na tanggalin sa kanilang report ang pangalan ng iba pa niyang pulis na kasama sa operasyon.

Huling hantungan

Samantala, inihatid na sa kanyang huling hantungan Miyerkules ng hapon ang labi ng binatilyong si Jemboy.

Naging emosyonal, hindi lamang ang mga magulang, kapatid at malalapit na kaanak ng napaslang na binatilyo, kundi maging ang kanyang mga kaibigan nang ilabas ang kanyang kabaong patungo sa simbahan pasado alas-2 ng hapon,

Nakasuot ng puting t-shirt na may nakatatak na “Justice for Jemboy” ang karamihan sa mga nakipaglibing na matiyagang naglakad patungo sa lugar kung saan napaslang si Jemboy, bago dalhin sa San Lorenzo Ruiz Parish Church sa Bangus Street, Dagat-Dagatan.

Nagsagawa ng misa sa naturang simbahan na dinaluhan din ng nasibak na si Umipig na sinserong nakiramay at nakipag-kamay sa pamilya ni Jemboy.

Matapos ang isinagawang misa, dinala na sa La Loma Cemetery sa Caloocan City ang labi ni Jemboy kung saan siya inilagak sa huling hantungan.

AUTHOR PROFILE