Helper arestado

Helper arestado sa pagdadala ng baril

July 15, 2023 Jonjon Reyes 365 views

NAHAHARAP ngayon sa kasong paglabag sa Article 155 (Alarm and Scandal) at Republic Act. 10591 (Comprehensive Firearms Law and Ammunitions) ang isang 29 anyos na miyembro ng Batang City Jail (BCJ) makaraang arestuhin dahil sa pagwawasiwas ng baril at pagwawala sa Baseco Public Market noong Biyernes ng madaling araw.

Nakilala ang suspek na si Akmad Jaman, alyas “Robin,” helper, ng Barangay 649, Baseco Compound, Port Area, Manila.

Batay sa ulat ni Police Lieutenant Colonel Rodel Borbe, station commander ng Baseco police station 13, bandang 12:15 ng madaling araw ng Biyernes nang mamataan ang suspek na nagwawala at winawasiwas ang hawak na baril.

Agad na inaresto ang suspek nang makita nina Police Corporal Ronel Oliveros at Patrolman Rod Moralidad sa tapat ng Baseco Public Market.

“Buddy-buddy kasi kapag nagsasagawa ng anti-criminality campaign ang mga tauhan ko. Tiyempong namataan nila na nagtatakbuhan ang mga tao kaya sila rumesponde at nakita nila sa akto ang pagwawala ng suspek,” pahayag ni Borbe.

AUTHOR PROFILE