
Heart, ’di kailangan ng glam team — Lolit
PINUNA ng talent manager/showbiz columnist na si Lolit Solis ang aniya’y pagiging “forgetful” o makakalimutin ng ilang tao sa showbiz at ibinigay niyang halimbawa ang diumano’y sigalot sa pagitan ni Heart Evangelista at ng kanyang dating glam team.
Sa Instagram, sinabi ni ’Nay Lolit na parang nagmamalaki pa ang dating team ni Heart dahil nasa empleyo na umano sila ng kapwa Kapuso actress nitong si Rhian Ramos.
Banggit pa ni Nanay, “Sure ako na walang alam si Rhian sa nangyari between Heart at ang glam team nito. Pero tiyak na hindi ito magtatagal dahil makakarating din kay Rhian ang mga bagay na nangyari na kinasasangkutan ng glam team niya ngayon.”
Hindi na rin daw naniniwala si Nanay na ang magagandang tulad nina Heart at Rhian ay nangangailangan pa ng glam team na dapat laging kasama sa mga lakad at binabayaran pa ng hindi birong halaga.
“Napaka ganda na nila para gumamit pa ng glam team noh! Ibigay na nila sa mga hindi kagandahan na mas kailangan ang glam team. Dapat talaga bigyan ng aral ang mga lumalaki ang ulo na akala mo dependent sa kanila ang mga star. Ipakita ni Heart na hindi niya type ang ginawa ng team niya at bigyan ito ng leksiyon,” dagdag pa niya patungkol marahil sa ginawang pakikipagbalitaktakan ng isang dating miyembro ng glam team ni Heart sa netizens sa socmed. Patuloy ni ‘Nay Lolit, mabuti na lang at kahit stressed ang misis ni Sen. Chiz Escudero, siya pa rin ang wagi bilang Star of the Night sa katatapos na 2023 GMa Gala.
“Bongga talaga. Walang tatalo pag si Heart Evangelista ang rumampa. Kailangan tumabi ang lahat, dahil may panalo na, bongga,” diin ng talent manager/kolumnista.